207 total views
August 17, 2020
Hinimok ng Diyosesis ng Kalookan ang mga diyosesis sa buong bansa na makipagkaisa sa kanilang hangaring muling buhayin ang “Cofradias de San Roque” o ang grupo ng mga namimintuho kay San Roque ang tinaguriang patron laban sa mga salot at peste.
Sa pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, acting President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa kapistahan ni San Roque, ang patron ng diyosesis, sinabi nitong mahalagang makibahagi ang bawat isa sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa lalo ngayong panahon ng krisis pangkalusugan tulad ng Corporate Social Responsibillity o CSR ng mga kumpanya.
Ipinaliwanag ni Bishop David, sa panig ng simbahan maari ding ipatupad ang CSR o ang COVID Special Response sa tulong ng mga deboto ni San Roque na maging bahagi sa volunteer works ng simbahan lalo na sa mga quarantine facilities.
“On the feast day of San Roque, I wish to call on young people in all dioceses, especially in parishes named after San Roque, to help us revive the “Cofradias de San Roque” by volunteering to serve as “Health Care Volunteers” to back up our health care workers, especially in quarantine facilities,” bahagi ng panawagan ni Bishop David.
Inihayag ng Obispo na sa pamamagitan ng “Cofradias de San Roque” ay maaaring magtulungan na pangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng mga nagpositibo sa corona virus sa mga ospital kundi pati na rin ang mga nasa iba’t ibang quarantine facilities.
Dagdag pa ng obispo na ang CSR ng simbahang katolika ay maaring makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at ng barangay upang makiisa sa monitoring sa mga indibidwal na may sintomas ng virus at ang mga assymptomatic.
“For the moment we are mobilizing volunteers who can do mainly the online monitoring of covid positives because we understand the risk of exposing them to infection if we deploy them to do physical monitoring. The ones we will mobilize for face-to-face monitoring are probably former covid positives who have recovered already and have natural antibodies to fight a reinfection,” dagdag pa ng obispo.
Tiniyak ng Obispo na bukas din ang diyosesis sa mga asymptomatic COVID positive na maging volunteer ngunit isasagawa online ang orientation kung paano makatutulong sa kawanggawa ng simbahan sa mga quarantine facilities.
Ang mga volunteers ay sasailalim sa pagsasanay sa tulong ng city at municipal health officers upang matiyak na sila ay pormal na bahagi ng volunteer work ng lipunan sa pagsugpo ng COVID-19 infections sa mamamayan.
Bawat volunteer ay itatalaga depende sa kakayahan at kapasidad sa ilang pasyenteng babantayan at magbibigay ng kanilang progress report araw-araw sa nakatalagang accredited health officer at maging sa mga doktor upang mapabilis ang proseso kung kinakailangan ng isang pasyente na dadalhin na sa pagamutan.
“They too can help the attending physician in determining whether or not the patient needs to be brought already to a hospital facility. The idea is to keep as few patients as possible from having to be brought to the hospital so that the hospitals don’t get overwhelmed,” ayon pa ni Bishop David.
Ang mga magiging bahagi ng kawanggawang ito ng simbahan ay bubuuin bilang isang cell group na may lima hanggang pitong kasapi habang ang cell group ay ibibilang sa clusters na ibibilang naman sa chapters hanggang magiging council sa pangkabuuan at magkakaroon ng lingguhang lectio divina (Bible Prayer Meeting) na tatawaging “Virtual Ecclesial Communities” upang mas mapagtibay ang samahan sa gabay ng mga Salita ng Diyos.
Matutukoy ang mga CSR volunteers ng simbahan sa pamamagitan ng emblem na matatagpuan sa San Roque Scapulars o sa medalyon ng santo o sa mga damit na ipamamahagi matapos manumpa sa Cofradia Council of Elders na mangangasiwa sa programa at maging katuwang ng lokal na pamahalaan at mga barangay.
Dahil dito nanawagan si Bishop David sa social arm ng simbahan at maging sa mga telecommunication companies na makiisa sa programa upang makatulong sa pagsugpo ng lumaganap na virus.
“I wish our Caritas, in partnership with Globe, Smart, and others Telcos, can assist these volunteers by providing inexpensive or free wifi and cellular data collectively in quarantine facilities and individually for accredited volunteers in order to facilitate efficient online communications with quarantined Covid positive patients,” pahayag ni Bishop David.
Malugod na inaanyayahan ng obispo ang mamamayan partikular ang mga kabataan ng diyosesis na makilahok sa programa at mangyaring makipag-ugnayan sa official facebook page ng diyosesis sa Roman Catholic Diocese of Kalookan, ipadala lamang ang kompletong pangalan, edad, educational attainment, civil status, parokya, at barangay at lunsod na kinabibilangan.
“Any other Parish priest or Diocesan bishop who might be interested in organizing their own CSR can simply copy and paste this in their own parish or diocesan page, with slight revisions according to your own circumstances,” giit ni Bishop David.