433 total views
Magpapaabot ng tulong pinansyal ang Diocese of Borongan sa mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly sa Bicol region at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, layunin ng diyosesis na maging daluyan ng awa at pag-ibig ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ayuda sa mga biktima ng bagyo na nanalasa sa bansa sa gitna ng patuloy na krisis na kinahaharap ng lahat dulot ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.
“We try our best na amidst of the pandemic we can still be in solidarity with you through our financial assistance na ipadala sa inyo, I don’t know if we can send a big amount but we are still now collecting assistance from our parishioners, from the priest and religious kaya magpapadala kami sa inyo ng kaunting tulong para magamit ninyo sa pagrecover,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Obispo, batid ng mamamayan ng Eastern Visayas ang mga pinagdaraanan at nadarama ng mga naapektuhan ng Super Typhoon Rolly matapos ang karanasan ng lalawigan sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda pitong taon na ang nakakalipas.
“Kami ay nakikiisa sa ating mga kapatid sa Bicol region sa land of southern Tagalog na affected po sa Super Typhoon Rolly, it is not difficult for us to be one with you because we experienced the same even stronger typhoon sa amin years ago Super Typhoon Yolanda and after that strong Typhoon Ruby kaya kami po ay nakikiisa sa inyong mga struggles and difficulties right now,” ayon pa sa obispo.
Tiniyak rin ng Obispo ang pananalangin ng mga taga-Eastern Visayas para sa mabilis na pagbangon ng mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly sa Southern Luzon.
Enero ng taong 2015 ng personal na nagtungo sa Pilipinas ang Kanyang Kabanalan Francisco upang ipadama sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ang habag at awa ng Panginoon.
Sa kasaysayan ng Pilipinas ang Super Typhoon Rolly ang ikalawang Super Typhoon category na nanalasa sa Pilipinas kasunod ng Super Typhoon Yolanda na puminsala naman sa Eastern Visayas region noong 2013 kung saan mahigit sa 6,000 ang naitalang nasawi.
RELATED STORIES:
Tulong-tulong sa pagbangon ng mga biktima ng Super Typhoon Rolly, panawagan ng simbahan