219 total views
Umapela ng panalangin ang Prelatura ng Infanta sa banta ng pananalasa ng bagyong Karen sa lalawigan ng Aurora.
Ayon kay Rev. Fr. Israel Gabriel, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta, nangangamba sila sa posibleng maging epekto ng bagyo bagamat nanatili pang kalmado at normal ang panahon sa lalawigan ng Aurora.
Tiniyak ni Fr. Gabriel na patuloy ang kanilang komunikasyon sa mga parokya na nasa baybaying dagat, at inaabisuhan nila ang mga ito na agad magsagawa ng karampatang aksiyon sakaling lumakas pa ang bagyong Karen.
Hinimok ni Fr. Gabriel ang lahat na manalangin at gamitin ang kanilang mga natutunan mula sa pinsala ng mga nagdaang kalamidad.
“Kami ay nanawagan ng panalangin hindi lang sa lalawigan ng Aurora kundi maging sa buong Pilipinas na wag na sana magdulot ng epekto na masyadong mabigat… mas mahalaga ang buhay, ang mga pananim, ngayon pa lang namumunga ang mga pananim tapos meron na naman bagyo kaya wag na sana [makapinsala],”pahayag ni Fr. Gabriel sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag naman ni Fr. Renato Dela Rosa, Social Action director ng Virac Catanduanes na nararanasan na nila ang pag-ulan sa kanilang lalawigan bagamat hindi naman ito nagdudulot ng malakas na paghangin na kanilang mas pinangangambahan.
Tiniyak ni Fr. Dela Rosa na naka-alerto na ang kanilang mga kababayan at umaapela din ito sa mga residente na makinig sa mga babala ng mga kinauukulan.
“Everyone is cautioned and those at the seaside residing were warned and alerted,” mensahe ni Fr. Dela Rosa sa Radio Veritas.
Samantala, naka-alerto na din ang Diocese of Legaspi sa lalawigan ng Albay sa ano mang maging epekto ng bagyong Karen pagtitiyak ni Fr. Rex Paul Arjona, Social Action Director ng nasabing diyosesis.
“Pastors and PCSC’s are encouraged to have meeting today and coordinate with CMDRRMC and BDRRMC [PaDRE] funds may be used in case of evacuees and basic relief operations,” pahayag ni Father Arjona sa Radio Veritas.
Ang tropical storm Karen ay kasalukuyang kumikilos pa west northwest sa bilis na 9 na kilometro kada oras taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 85 kilometro kada oras at pagbugso na nasa 105 kilometro kada oras.