261 total views
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 160 kilometro Silangan hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 17 kilometro kada oras sa direksyon pa-kanluran hilagang kanluran.
Sa kasalukuyan ay nakataas na ang storm signal number 1 sa Romblon, cuyo Island, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu kasama na ang Bantayan at Camotes Island, Siquijor, Negros Oriental at Occidental, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, Surigao Del Sur at Surigao Del Norte kasama ang Siargao Island, Agusan Del Norte at Del Sur, Dinagat Island, Misamis Oriental at Camiguin Province.
Sa Diocese ng Maasin sa Southern Leyte sinabi ni Social Action Center Director Rev, Fr. Harlem Gozo, walang tigil ang pag-ulan na kanilang nararanasan at naka-antabay ang kanilang hanay sa mga posibleng pagbaha at pangangailangan ng mga residente.
“Non stop na ang pag-ulan [dito] although wala pa naman pag-hangin” mensahe ni Fr. Gozo.
Sa Archdiocese of Capiz, makulimlim pa ang lagay ng panahon ngunit inaabisuhan na ng Social Action Center nito ang mga parokya na maghanda at magkaroon ng pag-antabay sa ulat ng panahon.
“Cloudy pa lang dito wala pang ulan. We are on the monitoring and preparation status” mensahe ni Fr. Mark Grandflor, Social Action Director ng Archdiocese of Capiz sa Radio Veritas
Samantala, Kumikilos na rin ang iba pang sangay ng Simbahan upang matiyak na magkaroon ng sapat na kahandaan at kaalaman ang mga residente kaugnay sa posibleng banta ng nasabing bagyo.
Tinatayang ang bagyong Marce ang ika-13 bagyo na pumasok sa Philippine area of responsibility ngayong taong 2016.