1,503 total views
Tiniyak ng Department of Health ang patuloy na pagtugon sa mga pasyenteng mayroong chronic kidney disease (CKD).
Ayon kay DOH-Disease Prevention and Control Bureau, Chronic Non-communicable Diseases and Risk Factors Team focal, Dr. Julie Mart Rubite, mahalaga ang early detection ng CKD upang maiwasan ang malalang epekto nito sa katawan.
Sinabi ni Rubite na kapag hindi agad naagapan ang CKD, maaari itong magdulot ng komplikasyon tulad ng End Stage Renal Disease o kaya’y humantong sa pagkasawi.
“Ang Kagawaran ng Kalusugan ay patuloy na magbibigay serbisyo para sa mga naaapektuhan ng sakit na ito. Bilang tugon sa “Sulong Kalusugan”, patuloy nating hinihikayat ang ating mga kababayan, lalo na ang mga high-risk, na dumulog sa kanilang primary health care providers o health centers para magpasuri at maagang ma-screen sa sakit na CKD.” pahayag ni Rubite.
Batay sa ulat ng National Kidney Transplant Institute noong 2021, hindi bababa sa pitong milyong Filipino ang mayroong CKD, kung saan isa sa bawat Filipino kada oras ang nagkakaroon nito.
Bagay na ikinabahala naman ni Philippine Society of Nephrology, STOP CKD Advocacy Head Dr. Vimar Luz, sapagkat kabilang ang CKD sa limang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, kasama ng Diabetes, Hypertensive Heart Disease, at Stroke.
“This data is alarming because of two reasons: Diabetes and Hypertension rank as the top two causes of CKD and cardiovascular diseases remain the top cause of death among patients diagnosed with CKD. The fight to stopping the increase in CKD has never been more urgent.” ayon kay Luz.
Walang mapapansing anumang senyales o sintomas sa early stage ng CKD, ngunit maaari itong matukoy sa pamamagitan ng serum creatinine exam.
Samantala, sa huling yugto naman nito ay maaaring magkaroon ng sintomas tulad ng pagkapagod, kawalan ng gana kumain, pagsusuka, hirap sa pag-ihi, at hirap sa paghinga.
Gayunman, nilinaw ni Luz na bagama’t hindi tuluyang magagamot ang sakit sa bato, maaari naman itong mapigilan at hindi humantong sa mas malalang kondisyon.
Hinikayat ng doktor ang publiko na panatilihin lamang ang malusog na pamumuhay tulad ng simpleng pagkonsumo ng masustansiyang pagkain, pag-inom ng walo hanggang 10 baso ng tubig araw-araw, at iwasan ang labis na pag-inom ng pain relievers at supplements.
Taong 1993 nang idineklara ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Hunyo bilang National Kidney Month, kung saan tema ngayong taon ang “Bato’y Alagaan para sa Kinabukasan”.
Suportado naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang layunin ng pamahalaan para sa pagsusulong ng malusog at ligtas na pamayanan.