148 total views
Patuloy ang babala ng Department of Health hinggil sa paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin bilang panlaban sa coronavirus disease.
Kaugnay ito sa mga ulat na natanggap ng ahensya hinggil sa mga “invalid prescription” ng nasabing gamot na ipinamahagi nina Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor at Rodante Marcoleta noong Abril 29, 2021 sa Quezon City.
Ayon sa DOH, ito ay kanilang isasangguni sa Professional Regulation Commission (PRC) upang masuri ang katotohanan at bigyan ng karampatang parusa kung kinakailangan batay sa umiiral na mga batas.
“Those who received the prescriptions and the drugs [may] report any invalid prescriptions to the PRC, and any adverse reactions to the FDA at (02) 8809-5596 or [email protected],” ayon sa DOH.
Sa isinagawang “community pan-three” project nina Defensor at Marcoleta, ang mga miyembro ng Concerned Doctors and Citizens PH ay nagsulat ng mga reseta sa blangkong papel sa halip na sa mga aprubadong prescription pads.
Tinukoy ni Health Secretary Francisco Duque III na ang reseta ay dapat naglalaman ng pangalan ng doktor, tirahan, professional registration number, tax receipt number, maging ang pangalan ng pasyente, edad, kasarian at petsa kung kailan ito inireseta.
Samantala, hinimok naman ng DOH at Food and Drug Administration ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga resetang ibinibigay sa kanila, sapagkat ito’y maaaring magbigay ng proteksyon at matiyak ang pananagutan mula sa mga propesyonal na nagbigay nito.
Nauna nang nagbabala si Jesuit Priest Fr. Marlito Ocon, head chaplain ng Philippine General Hospital hinggil sa paggamit ng Ivermectin dahil ito’y hindi pa aprubado ng FDA at patuloy na sinusuri ang totoong bisa nito sa katawan ng tao lalo na sa mga nahawaan ng COVID-19.
“Huwag na lang tayong gumamit kung hindi binibigay ng doktor. Kung mayroon mang binibigay ang doktor sa ngayon, hindi pa iyan aprubado ng ating FDA na pwedeng gamitin sa tao dahil ayon sa kanila ay ginagamit yan sa mga hayop,” pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa pahayag at pagsusuri ng Merck, ang pharmaceutical company na lumikha ng Ivermectin, na wala itong siyentipikong batayan upang sabihing mabisa ang nasabing gamot bilang lunas sa nakakahawang sakit.
Magsisimula ngayong Mayo o sa Hunyo ang clinical trial sa anti-parasitic drug sa kahilingang makapangalap ng karagdagang datos hinggil sa mga epekto nito sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.