239 total views
Nagbabala si infectious disease expert Dr. Eric Tayag hinggil sa muling banta ng leptospirosis ngayong tag-ulan.
Ayon kay Dr. Tayag, director ng Department of Health Knowledge Management and Information Technology Service ang leptospirosis ay sanhi ng bacteria na makikita mula sa ihi ng daga.
Makukuha ito sa mga binabahang lugar na hindi maaayos ang pagkolekta sa mga basura na nagiging dahilan ng pamamahay ng mga daga.
“Una, hindi ito sakit na nakakahawa. Pangalawa, ito ay nakukuha kung tayo ay nakababad sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga,” bahagi ng pahayag ni Dr. Tayag sa panayam ng Radio Veritas.
Mapanganib ang leptospirosis sa mga may sugat sa bahagi ng binti hanggang paa, dahil dito papasok ang bacteria na nagmumula sa ihi ng daga.
Maaaring maging sintomas ng leptospirosis ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng mga kalamnan, paninilaw ng mga mata, at bahagyang pag-itim ng kulay ng ihi.
May posibilidad rin itong magdulot ng komplikasyon sa internal organs tulad ng kidney o bato at lungs o baga.
“Ang delikado sa leptospirosis ay pwedeng maapektuhan ‘yung ating bato, kung saan bukod sa kulay tsaa ‘yung ihi ay halos hindi ka na umiihi. Hindi magandang senyales ‘to kasi ibig sabihin n’yan, kailangang magdialysis para umihi kang muli. Pangalawa, ‘yung iba naman ay sumusuka ng dugo kasi ang leptospirosis ay tinatamaan din ang ating lungs o baga,” ayon kay Dr. Tayag.
Payo naman ni Dr. Tayag na kung talagang hindi maiiwasan, pagkatapos na lumusong sa baha, agad na hugasan ng tubig at sabon ang nabasang bahagi at tuyuin ito. Mas makabubuti ring magsuot ng bota at huwag magsuot ng maikling damit-pambaba upang maiwasan ang direktang pagkakaroon ng leptospirosis.
“Kung maiiwasan, huwag tayong lumusong sa baha. Subalit, marami tayong kababayang talagang lulusong sa baha kaya makakabuti at makakatulong kung tayo ay mayroong bota… Huwag rin tayo lumusong nang naka-short. Mas magandang naka-pantalon, kahit papaano ay mababawasan ‘yung sinasabi nating infection,” ayon kay Dr. Tayag.
Batay sa tala ng DOH, bumaba sa 66 na porsyento ang kaso ng leptospirosis sa bansa noong Enero hanggang Agosto nang nakaraang taon.
Dito’y naitala na sa 500 kaso sa mga nasabing buwan, 50-katao ang nasawi, na ang karamihan ay lalaki.
Samantala, patuloy naman ang pag-uulan na nakakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon dulot ng pinagsanib na epekto ng bagyong Fabian at Tropical Depression Cempaka na pinaigting pa ng hanging Habagat o Southwest Monsoon.