187 total views
Naniniwala si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na sapat na ang oras ng pagsasanay ng senior high school gradutes para makahanap ng trabaho.
Ayon kay Bello, may inihandang job skilled training ang DOLE para sa nagsipagtapos sa K-12 program upang madadagdagan ang kaalaman at lalong mahubog ang kakayahan ng bata para ganap na maging handa na kasapi sa work force ng bansa.
“Palagay ko puwede na yan kasi dun sa programa ng K-12 yun ang purpose diyan ang job matching, yung ma-produce natin ay yun ang kailangan ng ating industry so more or less yung period of their training ay I think quite immediate na, although kagaya nung sinabi ko after their graduation mayroon pa rin kaming job skilled training.” pahayag ni Bello sa Radio Veritas.
Bukod dito ay ibinahagi rin ng kalihim na malaki ang ibinaba ng under employment at unemployment rate sa bansa at nagkaroon pa ng pagkukulang sa mga manggagawa sa bansa partikular na sa mga skilled workers.
“Bumaba ang ating under employment rate pati na rin yung unemployment rate, malaki ang pinagbaba. In fact nagkaroon na tayo ng kulang na mga trabahante specially ang mga skilled workers, yung mga involved sa construction industry may pagkukulang na ang ating mga workers,” dagdag pa ni Bello.
Batay sa tala ng Department of Education (DepEd) mahigit sa 1.2 milyong senior high school student ang magtatapos sa buong bansa ngayong taon na siyang unang batch ng K-12 program.
Magugunitang nagpahayag noon ng pag-alinlangan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity sa pagpapatupad ng K – 12 program.