869 total views
Napupunta sa pagseserbisyo sa mga nangangailangan ang donasyong natatanggap ng Simbahan mula sa mga tao at organisasyon.
Ipinaliwanag ni Fr. Gregory Ramon Gaston, rector ng II Pontificio Collegio Filippino, maraming programa ang Simbahan lalo na sa mahihirap kabilang na dito ang outreached programs gaya ng feeding, education, medical, orphanage at marami pang iba.
Dagdag din ng pari na hindi lamang Katoliko ang tinutulungan ng Simbahan kundi maging ang iba pang mga relihiyon sa iba’t-ibang panig ng mundo kasama na dito ang mga biktima ng karahasan sa pamamagitan ng Caritas Internationalis.
Nilinaw din ng pari na ang mga donasyon sa Simbahan gaya sa Pilipinas, ito ay napupunta sa lokal at itinutulong din sa mga nangangailangan.
Ang mga donasyon naman sa mga Misa tuwing Kapistahan ni St. Peter at St. Paul, ang koleksyon dito ay ibinibigay sa Vatican na itinutulong din sa mga pagmimisyon ng Simbahan sa mga bansang kailangan ang ebanghelisasyon at iba pang aspeto ng pagkalinga sa mga nangangailangan.
Dahil dito, ayon kay Fr. Gaston, labis ang pasasalamat din ng Simbahang Katolika sa mga nagpapaabot ng tulong.
“Ang mga donasyon natin depende halimbawa sa Phils., ang mga donations usually pumupunta yan sa local kasi diyan pa lamang marami ng nangangailangan, pati sa mga outreached like feeding orphanage, napakaraming pinagbibigyan. Once a year especially end of July na tinatawag na Pope’s Day or Feasts ni St. Peter and Paul, ang collection na yan binibigay sa Vatican, at ano ang ginagawa sa collection? Maraming misyon areas, like sa Africa at sa Asia, na kulang ang Simbahan o di kaya if may Simbahan mahihirap naman, ang tinutulungan ng Simbahan hindi lamang Katoliko , lahat ng nangangailangn tumutulong gaya sa mga bansang may digmaan sa pamamagitan ng Caritas Internationalis, ang lahat ng pumapasok ng pera sa Simbahan lahat yan umaalis at nakaready na pantulong din, kaya nagpapasalamat ang Simbahan sa lahat ng nagbibigay at nagko-contribute,” pahayag ni Fr. Gaston sa panayam ng Radio Veritas.
Sa ulat, nasa 1.2 bilyon ang populasyon ng Katoliko ngayon sa buong mundo kung saan 80 porsyento ng 101 milyong tao sa Pilipinas ang bilang nito.