18,323 total views
Tiniyak ng Caritas Manila ang pakikipag-ugnayan sa mga diyosesis na nasalanta ng baha dulot ng bagyong Carina at Habagat.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng institusyon at Pangulo ng Radio Veritas, agad na kumilos ang Caritas Manila para matulungan ang mga mamamayang apektado ng kalamidad lalo na sa kalakhang Maynila at karatig lalawigan.
Binigyang diin ni Fr. Pascual na sa panahon ng mga sakuna ay patuloy ang pagkilos ng simbahan para lingapin ang nasasakupang kawan lalo na ang mga dukha.
“Kapag ganitong may disaster ang simbahan ay hindi nagpapahinga kundi higit na naging aktibo para tulungan ang ating mga Kapanalig. Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga Social Action Centers ng mga diyosesis na apektado rin ng kalamidad para tayo ay makatugon,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Kasabay ng matinding baha sa Metro Manila nitong July 24 ay agad na nagpahatid ng tulong ang Caritas Manila sa mahigit 500 residente ng Baseco, Tondo Manila na naapektuhan ng pag-ulan at malalakas na alon ng Manila Bay dahil sa Habagat.
Umapela si Fr. Pascual sa mananampalataya na makiisa sa hakbang ng institusyon sa pagtulong para matugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng kalamidad kabilang na rito ang pagkain, damit, hygiene kits at iba pa. “Ang Caritas Manila mayroon tayong relief, restoration at rehabilitation program para sa mga biktima ng kalamidad na gawa ng kalikasan at gawa ng tao,” ani Fr. Pascual.
Hinikayat ng pari ang mga nais magpaabot ng inkind donation na magtungo sa tanggapan ng Caritas Manila sa Jesus St. Pandacan Manila o makipag-ugnayan sa official facebook page ng institusyon para sa karagdagang detalye kung paano makibahagi sa programa.
Bagamat hindi nag-landfall ang Bagyong Carina ay mas pinalakas nito ang hanging Habagat na nagdulot ng mga pag-ulan sa magkakasunod na araw mula noong July 22 kung saan ayon kay PAGASA Assistant Weather Services chief Chris Perez naitala sa 207 millimeters ang volume ng tubig ulan sa loob ng anim na oras mas mababa kumpara sa mahigit 300mm na tubig ulan sa pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009.