20,280 total views
Umapela ng tulong ang social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa mamamayang apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental.
Ayon kay Caritas Philippines executive director, Fr. Carmelo “Tito” Caluag, patuloy na nangangailangan ng tulong ang mga nagsilikas na residente dahil apektado na ng ashfall at pagbuga ng sulfur dioxide mula sa bulkan ang iabuhayan at ang kapaligiran sa Negros Island.
Higit na kailangan sa mga evacuation center ang face masks, maiinom na tubig, pagkain, hygiene kits, at gamot.
“Alam naman natin na marami nang mga pamilyang nag-evacuate. Siyempre, kailangan ng mga facemask, pagkain, at lalong-lalo na po ang tubig. Sana ay patuloy ninyong suportahan ang pagtulong natin,” panawagan ni Fr. Caluag.
Apektado ng aktibidad ng Bulkang Kanlaon, na kasalukuyang nakataas sa alert level 2, ang apat na diyosesis ng Negros Island: ang Diyosesis ng San Carlos, Bacolod, at Kabankalan sa Negros Occidental; at ang Diyosesis ng Dumaguete sa Negros Oriental.
Sinabi ni Fr. Caluag na anumang uri ng suporta at donasyon ay malaking tulong na para sa mga residenteng nasa evacuation centers na hindi tiyak kung kailan makakabalik sa kanilang mga tahanan, hangga’t patuloy na nagpapakita ng pagliligalig ang Bulkang Kanlaon.
“Kaya humihingi po kami ng tulong, either cash or in-kind donations para po mapadala natin sa mga pamilyang naapektuhan ng [Bulkang] Kanlaon. Mukhang ‘di pa matatapos ito kaya tayo po’y naghahanda ng provisions para matulungan natin ‘yung mga nasa evacuation centers,” ayon kay Fr. Caluag.
Sa mga nais magbahagi ng tulong at donasyon, maaari itong ipadala sa bank account name na CBCP Caritas Philippines Foundation, Inc. sa BPI account number 4951-0092-24, sa Metrobank account number 632-7-632-02847-0, o sa BDO account number 004508040478.
Para sa karagdang detalye, makipag-ugnayan lamang kay Caritas Philippines Resource Mobilization Office Head, Ms. Analyn Julian sa numerong 0916-694-5278.
Pinag-iingat naman ang publiko na huwag agad magtitiwala sa mga kahina-hinalang indibidwal na nais lamang manamantala at gamitin ang simbahan upang makapanlinlang.