28 total views
Kinilala at pinasalamatan ng Caritas Manila ang may 130-Regular Donors at benefactors sa “Isang Pasasalamat Agape’ 2025.
Ayon kay Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila, isang malaking biyaya ang patuloy na pagsuporta ng mga organisasyon, institusyon at indibidwal sa mga programa ng Social Arm ng Archdiocese of Manila higit na ngayong Jubilee Year 2025.
Ito ay dahil sa pamamagitan ng kanilang mga donasyon at tulong ay napapabuti ang antas ng buhay ng mga pinaka-nangangailangan.
“Isang biyaya yung napakaraming naniniwala sa programa ng Caritas Manila at nag-aabuloy sila in-cash at in-kind para matulungan ang mga mahihirap na tulungan ang kanilang sarili, nariyan po ang ating YSLEP Scholarship, nutrition program, plant-based diet program, restorative justice at yung ating mga cooperative program para matulungan ang mga mahihirap na matulungan ang kanilang sarili mahirap ang problema ng kahirapan pero hindi imposible sa Diyos at sa pananampalataya,” ayon sa panayam ni Father Pascual sa Radio Veritas.
Inaanyayahan naman nina Viva Films stars Aubrey Caraan at Lance Carr ang mamamayan na suportahan ang mga programa ng social arm sa anumang makakayanang halaga at inisyatibo.
“It’s really nice to give back, if you are fortunate at mayroong ka namang ibibigay, why not? na maging part ka ng Caritas Manila and makapagbigay ka ng help sa ibang tao katulad ng kanina na-witness namin na succesful stories nila, yung journey nila bilang beneficiaries dito sa Caritas Manila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Caraan.
Inihayag ng dalawang artista na tunay na mayroong nararating ang mga ibinabahaging tulong ng mga benefactors higit na sa Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na pinapatapos sa pag-aaral ang 1,500 estudyante mula sa kabuoang 5,000-YSLEP Scholars kada taon.
“Sa lahat po ng gustong maging donor we really encourage you to be part of Caritas Manila kasi andami po talagang tao na ngayon ay in need and nakita naman po talaga natin yung mga beneficiaries kanina they did well so hindi talaga masasayang yung mga ibibigay niyong mga pagkakataon, mga ibibigay niyong mga opportunity po sa kanila, and its really evident that Caritas Manila can really change the lives of people,” bahagi pa ng panayam sa Radio Veritas ni Carr.
Sa datos noong 2024, hindi bababa sa 4,200 ang bilang ng mga Caritas Manila regular donors na mga indibidwal, kompanya, organisasyon, non-government organizations at institusyon na katulad ng Social Arm sa pagpapaunlad sa buhay ng mga mahihirap.
Bukod sa YSLEP ay mayroong ding Caritas Damayan Program na disaster and relief response ng Caritas Manila na pinapakain din ang mga batang nagugutom kasama na ang kanilang mga ina upang maiwasan, mabawasan at tuluyang maiwaksi ang malnutrisyon sa lipunan.
Isinusulong din ng Social Arm ang mga inisyatibo sa urban gardening, restorative justice para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) at livelihood education upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na makaahon mula sa kinalugmukang sitwasyon.