191 total views
Walang malinaw na “legislative purpose” ang Congressional drug inquiry ng House of Representatives Justice committee sa sinasabing multi-bilyong pisong illegal drug operations sa New Bilibid Prisons.
Walang nakikita si San Beda College Graduate School of Law dean Father Ranhilio Aquino na malinaw na batas kailangang balangkasin sa isinagawang drug inquiry ng mga Kongresista.
Hindi malaman ni Father Aquino kung ano ang tunay na purpose o layunin ng House inquiry in aid of legislation.
Iginiit ng pari na walang kaayusan ang inquiry kaya lumalabas na layon lamang nito na i-discredit o sirain si Senador Leila de Lima bilang dating kalihim ng Department of Justice na may jurisdiction sa NBP na tinaguriang “Little Las Vegas”.
“I do not know what is the real purpose, very unusual,very unprocedural. I did not see a clear legislative purpose, what I saw is clear discrediting De Lima. If you say in aid of legislation, make it clear ano ba talaga ang binabalak niyong ipasang batas,” pahayag ni Father Aquino sa Radio Veritas.
Pinuna din ng pari ang mga ‘hearsay testimony” ng mga expert witness tulad ni Rodolfo Magleo dahil sa maling pagtatanong ni Department of Justice secretary Vitaliano Aguirre III.
Giit ni Aquino, karamihan sa mga testigo ay tila nagbibigay lamang ng kanilang opinyon, mga narinig at tila walang kaugnayan sa kanilang personal na nalalaman.
“Saan na ang pagkakaiba ng personal knowledge, nang opinion, nang conjecture at hearsay?Pinagsama-sama and the worst thing is if the ordinary Filipino listen, they did not study the evidence,” paglilinaw ni Father Aquino.
Malaking katanungan din kay Father Aquino ang pagbibigay ng immunity ng House Justice Committee sa mga testigo ni Secretary Aguirre na hindi ibinigay ng Senado sa testigong si Motabato na mabigat din ang testimonya.
“The big question is, they were so eagerly granting immunity and yet the testimony that Motabato had in Senate is equally important,” pahayag ng pari.
Sa halip, pinayuhan ni Father Aquino ang mga mambabatas na harapin ang napakaraming problema ng bansa tulad ng traffic, mga depektibong bagon ng MRT, droga, kahirapan, katiwalian kaysa pagtuunan ng pansin ang mga personal na usapin o chasing personalities.
Si De Lima ay una ng inakusahan na may kaugnayan sa ilegal na droga sa loob ng piitan at kabilang sa 54 na opisyal ng gobyerno na sinasabing protector ng ipinagbabawal na gamot.
Base sa inilabas na listahan ng Pangulong Duterte may mahigit 150 ang mga big time pushers sa bansa kabilang na ang mga opisyal ng bayan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, sinabi nito na ang tsismis o gossip na bagamat hindi nagdudulot ng sakit sa katawan, subalit sumusugat ito sa ating kaluluwa.