246 total views
Pinasinayaan ang kauna-unahang santuaryo ng mga drug surrenderers sa Diocese of Cubao noong ika-8 ng Nobyembre 2018.
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagbubukas ng surrenderers sanctuary sa ilalim ng Our Lady of Perpetual Help Parish (OLPH) sa Brgy. Socorro, Murphy Cubao, Quezon City.
Ayon sa Obispo, ang programang ito ng Commission on Pastoral Rehabilitation Formation (PAREFORM) ang pupuno sa programa ng pamahalaan sa drug rehabilitation.
Naniniwala si Bishop Ongtioco na hindi dapat mawala ang ispiritwal na aspeto upang matiyak na magiging matibay ang moral na pundasyon ng mga drug recoveries at upang hindi na bumalik ang mga ito sa dati nilang buhay.
“Kulang ang programa kung hindi mo lalagyan ng spiritual aspect, malamang babalik yan pagkatapos ng rehabilitation work. Doon po kami pumapasok how we can motivate our mga kapatid, halimbawa nawawala ng landas upang hindi na muling bumalik sa ganung klaseng pamumuhay… yung mga mahalagang bagay na dapat malaman nila kung saan sila humuhugot ng lakas, pagkakaisa, pagmamalasakit sa pamilya, pakikiramay sa ating kapwa, pakikipagkapwa tao, at ito ay ginagawa natin dahil ang foundation, it is because of Love, it’s because of God.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco.
Samantala, naniniwala naman si Chairman Ted Santos ng Brgy Socorro na ang pagsugpo sa iligal na droga ay hindi lamang sa pamamagitan ng mga buy-bust operations.
Aniya mahalaga ang gampanin ng simbahan na hindi nanghuhusga at bagkus ay nagpapalaya sa mga indibidwal na nakakulong sa kanilang pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot.
Dagdag pa niya, mahalaga din ang pag-iimpluwensya ng simbahan sa lipunan na mahalin ang mga naliligaw ng landas at tulungan ang mga taong nalulong sa iligal na droga upang makabalik sa tamang landas.
“Hindi lang po huli, hindi lang po buy-bust, ang laban pong ito ay dapat gawin sa ibang paraan. D’yan po pumapasok ang role ng ating mahal na simbahan, binigay niya ang kan’yang kamay not to convict, not to judge, not to imprison ang ating mga adik, but to let them be free sa bandage ng adiction… Ating simbahan, tinulungan po n’ya ibalik sa society ang ating mga nawawalang kapatid.” Bahagi ng pahayag ni Chairman Santos.
Pinuri naman ni NCRPO Police Director Gen. Guillermo Eleazar ang bukas na pakikipagtulungan ng simbahan sa pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng lipunan.
Sa mensahe nitong inihayag ni Quezon City Police District Station 7, PSupt. Giovanni Caliao, sinabi ni Gen. Eleazar na nawa ay magsilbi itong inspirasyon upang patuloy pang makilahok ang ibang institusyon sa programa ng pamahalaan sa pagsugpo sa iligal na droga.
“Ako ay humahanga at pumupugay sa programang ito, nawa ito ay magsilbing magandang simulain upang makatulong sa marami pang mga kabataan at indibidwal na naging biktima ng iligal na droga na bumgangon, magbagong buhay, at mabuhay ng matiwasay at marangal.” Bahagi ng mensaheng ipinaabot ni Gen. Eleazar.
Taong 2011 nang magsimula ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng simbahan sa pamamagitan ng programang Ugnayang Barangay At Simbahan (UBAS).
Nagpapatuloy ito sa kasalukuyan sa pamamagitan naman ng rehabilitation efforts na inihahatid sa mga drug surrenderers.
Samantala, bukod sa kapulisan at pamahalaang lokal ng barangay, nakiisa din sa pagpapasinaya sa santuaryo sina Department of Interior and Local Government (DILG) Quezon City – Atty Ana Lyn Baltazar, mga miyembro ng Commission on Pastoral Rehabilitation Formation (PAREFORM) sa pangunguna ni Rev. Fr. Louie Caupayan, at ang Parish Priest ng OLPH na si Msgr. Alfonso Jun Bugaoan.
Sa kasalukuyan mayroon pang dalawang parokya sa ilalim ng Diocese of Cubao na nagbibigay ng Pastoral Rehabilitation Formation sa mga drug surrenderers bukod pa sa binuksang santuaryo sa OLPH Parish.