315 total views
Pahalagahan ang buhay, huwag papatay.
Ito ang panawagan ni Digos Bishop Guillermo Afable at Radio Veritas President Father Anton Pascual sa dumaraming bilang ng mga napapatay dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ayon kay Bishop Afable, hayaang sumuko, magbago at magbayad sa krimen na nagawa o sa paggamit ng iligal na droga at huwag basta papatayin ang mga suspek.
Hinimok ng Obispo ang mga otoridad na makiusap, hulihin at ikulong ang mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga subalit huwag magpadalos dalos na patayin.
Ipinaalala ni Bishop Afable sa mga law enforcers na sundin ang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapayapaan lamang ang ninanais niya para sa ikauunlad ng mga Filipino.
“Ang mga kinauukulan ay magpasiya. Sumuko at magbago at magbayad sa krimen nagawa o lumaban o lumikas. Ang mga inatasang hanapin at makiusap, hulihin man at ikulong ay huwag na huwag padalos-dalos na papatay kung maaari namang iwasan. Pahalagahan ang buhay lagi. Bawal ang pumatay. Ika nga ni President Duterte, I want the peace of the LIVING, not the DEAD,” pahayag ni Bishop Afable sa Radio Veritas.
Binigyan diin naman ni Father Pascual na ang pagpatay sa sinumang tao ay hindi maaring i-justify, labag ito sa moral decency at civility.
Iginiit ni Father Pascual na nararapat na igalang ninuman ang sagradong buhay ng tao.
“Christian humanism in the world shall absolutely respect every human person thus make the killing of anybody whether legal or illegal not justifiable and truly against moral decency and civility,” pahayag ni Father Pascual.
Kinumpirma ni PNP spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos na 316-katao na ang napatay sa unang 28-araw ng Duterte administration.