286 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga ipinagmamalaking tagumpay umano ng nakaraang administrasyong Duterte ang agresibong kampanya nito laban sa ipinagbabawal na gamot. At marami ang mga napaniwalang sa marahas na paraan matutugunan ang iligal na drogang itinuturing ng marami bilang malaking problema sa ating bansa.
At itutuloy daw ito ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Gayunman, ipapatupad daw niya ang kampanyang ito nang sang-ayon sa batas at nang may pagkilala sa mga karapatang pantao. Magiging focus daw ang rehabilitasyon ng mga kababayan nating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Sana nga.
Ang “war on drugs” ng dating Pangulong Duterte ay nag-iwan ng libu-libong biyuda at mga ulilang bata. Sila ang mga kapatid nating hanggang ngayon ay nararanasan pa rin ang sakit ng pagkawala ng kanilang mahal sa buhay—mga tatay, kapatid, at anak na hindi nabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang kanilang sarili sa tamang proseso ng batas. Pinatay sila ng mga tagapagpatupad ng batas na humahabol sa kanilang quota. Pinatay sila ng mga ‘di pa ring nakikilalang mga suspek na hinihinalang tauhan din ng mga pulis. Pinatay sila dahil sila raw ay nanlabán. Pinatay sila dahil salot sila sa lipunan.
Naghahanap ng katarungan ang mga naulila ng mga biktima ng “war on drugs”. Ang nakalulungkot, sa dami ng mga namatay, napatay, o pinatay, mabibilang lamang ang mga nabigyan ng pagkakataong mapanagot ang mga nasa likod ng kanilang pagkawala. Noong 2021, sinabi ng Department of Justice na na-review na nito ang 52 kaso para sa posibleng criminal liability ng mga sangkot na pulis. Napakakaunti nito kumpara sa hindi bababa sa anim na libong namatay sa mga police operations hanggang noong Mayo 2022. Hindi pa rito kasama ang mga biktima ng tinatawag na vigilante-style killings, na ayon sa mga human rights groups ay maaaring umabot sa 30,000.
Sa kabila nito, idiniin ng kasalukuyang administrasyon na gumagana naman ang sistemang pangkatarungan sa bansa. Kaya naman, kagaya ni Pangulong Duterte, nagpasya si Pangulong Marcos Jr. na hindi na muling babalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (o ICC) at sa Rome Statute na nagtatag ng ICC. Ang ICC ang nakikitang paraan ng mga tagapagsulong at tagapagtanggol ng karapatang pantao upang makakamit ng katarungan ang mga biktima ng marahas na war on drugs ng nakaraang administrasyon. Ito na nga sana ang “last resort” ng mga napagkakaitan ng hustisya sa Pilipinas. Ito sana ang paraan upang maimbestigahan kung sinu-sino ang mga nasa likod ng mga pagpatay at kung sinu-sino ang mga hindi kumilos upang matigil ang pagdanak ng dugo sa ngalan umano ng kaayusan at kaligtasan.
Pero mukhang hindi ito prayoridad ng bagong pangulo. Kung sabagay, malaki ang utang na loob ni Pangulong Marcos Jr sa dating pangulo at katambal pa niya ang anak nito. Hindi siya gagawa ng anumang hakbang na ikasisira ng kanilang alyansa sa pulitika. At ano rin ang maasahan natin sa isang lider na itinatanggi ang pang-aabuso, paglabag sa karapatang pantao, at kawalang katarungan noong panahon ng diktadurya?
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan na pangunahing papel ng pamahalaan ang tiyaking makakamit ng mga mamamayan ang tinatawag nating common good. At magiging posible lamang ito kung naitataguyod ang kanilang mga karapatang pantao at kung umiiral ang tunay na katarungan. Akmang paalala nga sa ating mga lider ang nakasaad sa Isaias 1:17, “pairalin ang katarungan… ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.”
Mga Kapanalig, nakalulungkot na sa pagmamatigas ng ating gobyernong hindi makipagtulungan at hindi bumalik sa ICC, pinagkakaitan nito ng katarungan ang mga Pilipinong hindi mabigyan ng hustisya sa sarili nating bayan.