2,051 total views
Nakikipagtulungan na ang Legazpi Diocesan Social Action Commission (DSAC) sa isinasagawang mandatory evacuation ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay kaugnay sa pagliligalig ng Bulkang Mayon na nakataas sa Alert level 3 status.
Ayon kay Legazpi SAC Director Fr. Eric Martillano, inilunsad na ng diyosesis ang ‘Simbahan para sa Mayon Disaster Response’ at Parish Disaster Response Committee (PADRECOM) para mapaigting ang pagtulong sa mga residenteng lubhang maaapektuhan ng Mayon Volcano.
Tinukoy ni Fr. Martillano ang mga nakatira sa mga lugar na saklaw ng 6-kilometer danger zone na kailangang palikasin bilang pag-iingat sa panganib tulad ng pagbagsak ng mga bato, at inaasahang pagsabog ng bulkan.
“As of now, nag-a-assist kami sa mandatory evacuation para sa mga residents within the six-kilometer danger zone. On-going din ‘yung rapid field assessment sa mga affected areas,” bahagi ng pahayag ni Fr. Martillano.
Tinatayang nasa 18-libong residente ang pinalikas at pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation centers sa lalawigan.
Sinabi ni Fr. Martillano na bubuksan na rin ng diyosesis ang panawagan para sa mga nais magpadala ng tulong at donasyon.
“As of now, initially, ang needs sa mga evacuation areas ay mga non-food items like sleeping mats and hygiene kits,” ayon kay Fr. Martillano.
Samantala, tiniyak naman ni Caceres Archdiocesan SAC director Fr. Marc Real ang pagtulong ng arkidiyosesis sakaling kailanganin ng SAC-Legazpi ang karagdagang tulong sa disaster response.
“Meron kming group chat sa Bicol Regional Social Action Commission (BRSAC) na doon ang communications ng directors ng region. As of now, nasa monitoring pa po kami and waiting for the updates from SAC – Legazpi,” saad ni Fr. Real.
Una nang nanawagan sa publiko si Legazpi Bishop Joel Baylon na paigtingin ang paghahanda, at patuloy na manalangin ng Oratio Imperata para sa paggabay at kaligtasan ng lahat mula sa aktibidad ng Bulkang Mayon.