411 total views
Nagkaisa ang lahat ng delegado mula sa 71 diyosesis na dumalo sa 40th National Social Action General Assembly sa kampanya ng Diyosesis ng Marbel laban sa Tampakan Mining.
Ayon sa pahayag ng NASSA/Caritas Philippines sa pangunguna ng National Director at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nabanggit dito ang mga pagsubok na hinaharap ng simbahan at mamamayan upang tuluyang mapigilan ang mga mapaminsalang proyektong lubos na nakakaapekto sa kalikasan at buhay ng mga tao.
“Following the challenges of the encyclical Laudato Si’ and the 2022 CBCP Pastoral Statement on Ecologym, we firmly believe that local actions matter greatly in the fights against climate emergency and planetary crisis,” ayon sa social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Nakikiusap ang simbahan sa Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato na mas sikapin pang tiyakin at bantayan ang kasagraduhan ng mga likas na yaman ng Tampakan, gayundin ang paggalang sa kalooban at panawagan ng mga apektadong mamamayan.
Ito’y sa halip na baguhin ang provincial environment code na magbibigay ng pahintulot para sa malayang pagpasok ng malalaking kumpanya na nagsasagawa ng pagmimina.
“We encourage and join the people of South Cotabato in demanding for public accountability and in carrying out regular scrutiny of government transactions related in particular to environmental actions,” pahayag ng Caritas Philippines.
Pinuri naman ng Caritas Philippines ang katapangan at taos-pusong paninindigan ng Diyosesis ng Marbel sa pangunguna ni Bishop Cerilo “Alan” Casicas at social action director Fr. Jerome Millan, para sa pangangalaga sa Tampakan maging ang pagtiyak sa kaligtasan ng B’laan at iba pang katutubong pamayanan ng South Cotabato.
Dalangin ng social arm ng CBCP na mapakinggan ng pamahalaan ang panawagan ng taumbayan na gawin nang ganap na batas ang moratoryo laban sa pagmimina sa bansa at panagutin ang mga sangkot sa mapaminsalang gawain.
Nangako rin ang nasa 243 delegado ng NASAGA na ipagpapatuloy ang pagbuo at pagtataguyod sa mga programa ng simbahan tungo sa pangangalaga sa mga likas na yaman ng bansa.
“We, the members of the assembly from 71 dioceses solemnly adhere to continue building on our respective ecological advocacies and programs, to collectively contribute to the actions of the Catholic Church to protect, preserve, and conserve the natural resources and ecosystems of the country,” ayon sa pahayag.
Ginawa ng Caritas Philippines ang pahayag matapos na pagtuunan ng mga diocesan social action directors ang usapin hinggil sa pangangalaga sa kalikasan partikular na ang suliraning hinaharap ng South Cotabato.
Tema ng ginanap na 40th NASAGA ang “Leave No One Behind” na pangako ng social arm ng simbahan tungo sa pagkakaroon ng maayos na lipunan para sa ikabubuti ng nakararami.