407 total views
Nagkamit ng dalawang milyong pisong halaga ng proyekto ang Diocesan Social Action Centers (DSAC) ng Northern Luzon sub-regional cluster sa ginanap na 40th National Social Action General Assembly (NASAGA) sa General Santos City.
Batay ito sa ibinahaging presentasyon ng bawat sub-region cluster kung saan makikita ang mga proyekto at programa ng bawat DSAC sa pagtugon sa pangangailangan ng komunidad.
Ayon kay Mother Camille Marasigan, Alay Kapwa Coordinator ng Diyosesis ng Ilagan, Isabela na ang natanggap na pondo ay kanilang gagamitin sa pagpapatuloy ng farm school program ng diyosesis upang magbahagi ng kasanayan hinggil sa pagsasaka at makapagbigay rin ng hanapbuhay at masustansiyang pagkain para sa lahat.
“Ang amin pong panimulang plano para d’yan ay gamitin sa pagpapatuloy ng aming programa para sa ecology na sinimulan namin ‘yung farmschool na ito ay common para sa aming lahat. Pero ‘yung mga susunod ay we will sit down and discuss it with the group para mas mapagpatuloy namin ang mga programa ng social action sa buong region ng Northern Luzon,” pahayag ni Mother Camille sa panayam ng Radio Veritas.
Ang nasabing pondo ay paghahatian ng 14 na diyosesis ng Northern Luzon sub-regional cluster, ito ay ang mga arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan, Nueva Segovia, at Tuguegarao; mga diyosesis ng Alaminos, Baguio-Benguet, Bangued, Bayombong, Ilagan, Laoag, San Fernando de La Union, at Urdaneta; Apostolic Vicariate ng Bontoc-Lagawe at Tabuk; at ang Prelatura ng Batanes.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mother Camille sa Caritas Philippines sa natanggap na biyaya sa pamamagitan ng NASAGA.
Dagdag ng madre na maliban sa natanggap na 2-milyong piso ay nakamit din ng Northern Luzon cluster ang pagtutulungan upang mapag-usapan at makalikha ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng bawat diyosesis.
“Hindi lang kami nanalo ng halagang 2 million pesos, ang pinakamahalagang mas napanalunan namin ay ang collaboration, coordination, unity na nangyari sa Northern Luzon groups sa pamamagitan ng okasyon na ito,” saad ng madre.
Nakatanggap din ng tig-P500,000 halaga ng proyekto ang mga sub-regional cluster ng National Capital Region kabilang ang Arkidiyosesis ng Manila, at mga diyosesis ng Antipolo, Pasig, Cubao, Kalookan, Novaliches, Parañaque, at Military Ordinariate of the Philippines; at maging ang ZamBaSulI na kinabibilangan ng Arkidiyosesis ng Zamboanga, Prelatura ng Isabela de Basilan, Apostolic Vicariate ng Jolo, Sulu, at ang Diyosesis ng Ipil .
Habang P1.5 million naman ang natanggap ng DOPIM cluster na kinabibilangan ng Diyosesis ng Dipolog, Arkidiyosesis ng Ozamis, Diyosesis ng Pagadian, Diyosesis ng Iligan, at ang Prelatura ng Marawi.
Ang 40th NASAGA ay dinaluhan ng nasa 240 social action directors at workers mula sa iba’t ibang diyosesis na tinalakay at pinagtibay ang iba’t ibang programa na tutugon sa mga higit na nangangailangang sektor ng lipunan.