16,961 total views
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Social Action Center ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental (DSAC) sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Nabanggit sa unang situational report ng DSAC-San Carlos ang pakikipagtulungan ng simbahan sa mga lokal na pamahalaan ng Negros Oriental at Negros Occidental upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng apektado ng aktibidad ng bulkan.
“At the onset of the volcanic eruption, the DSAC through the MSSAC [Mission Stations] and PSAC [Parish] were able to relay important data and information that aided the local unit to evacuate affected individuals and families,” batay sa DSAC-San Carlos situational report.
Tinatayang nasa 70 pamilya o 274 indibidwal ang inilikas mula sa Barangay Masulog, Canlaon City, kung saan nasa 50 pamilya at 200 displaced individuals ang nasa evacuation centers sa Barangay Masulog, habang halos 30 pamilya at 90 indibidwal naman sa Barangay Pula.
Naghanda naman ang Department of Social and Welfare Development Region 7 ng 10-libong food packs, 130 hygiene kits, at 5,000 face masks para ipamahagi sa mga apektadong indibidwal, pamilya, at pamayanan.
Gayunman, higit pa ring kailangan sa evacuation centers ang karagdagang face masks, maiinom na tubig, food packs, at mga gamot.
Samantala, maliban sa mga barangay at sitio sa ibabang bahagi ng Bulkang Kanlaon, apektado rin ng volcanic ash fall, pagbagsak ng mga bato, at masangsang na amoy dulot ng asupre ang mga karatig na bayan ng La Castellana, Moises Padilla, at San Carlos City sa Negros Occidental; at Vallehermoso at ilang bahagi ng Guihulngan City sa Negros Oriental.
Inilunsad na rin ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City ang Incident Command System upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga pamayanan sa posibleng maging aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa mga susunod na oras.
“Emergency Hot lines were also opened for residents to immediately ask for help or to report important incidents. Evacuation centers were being ready to accommodate affected families and individuals. The LGU also identified safe zones so as to aid in the smooth evacuation of the affected,” ayon sa ulat.
Sa huling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, itinaas na sa alert level 2 mula alert level 1 ang Bulkang Kanlaon dulot ng pagsabog na tumagal ng anim na minuto, kagabi.
Naitala rito ang 43 volcanic earthquakes at pagbuga ng asupre o sulfur dioxide na umabot sa 797 tonelada at may taas na 5000 metro.
Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone at pagpapalipad ng anumang sasakyang himpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.