1,623 total views
Paiigtingin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga programang makatutulong lalo sa mahihirap na Pilipino.
Ito ang mensahe ni DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez hinggil sa food stamp program ng kagawaran para sa poorest of the poor.
Layunin ng programa na matulungan ang mamamayang walang kakayahang makabili ng pagkain dahil sa kakulangan ng pinagkakakitaan.
“Ito pong food stamp natin gusto po nating ibalik yung dignidad sa ating mga kababayan na tinatawag natin na food poor,” pahayag ni Lopez sa Radio Veritas.
Ang programa ay inisyatibo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bahagi ng ‘Walang Gutom 2027’ program sa mithiing matugunan ang suliranin sa kagutuman sa bansa.
Ipinaliwanag ni Lopez na ang isang milyong benepisyaryo ng programa ay kumikita ng walong libong piso pababa mas mababa sa 12-libong pisong national poverty threshold dahilan upang hindi makabili ng masustansyang pagkain.
Kabilang sa mekanismo ng DSWD sa programa ang paghuhubog at pagsasanay sa mga benepisyaryo sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng TESDA, DOLE, DA, DTI at iba pa.
Tiwala si Lopez na sa pamamagitan ng mga pagsasanay ay mapalakas ang kasanayan ng mga Pilipino na magagamit upang mapa-unlad ang buhay ng kanilang pamilya at maging makabuluhan sa lipunan.
“Pag natutulungan kayo sa pamamagitan ng electronic budget transfer na makabili ng masustansyang pagkain inaasahan po natin na kayo din naman in return kapakipakinabang na miyembro ng ating lipunan through employment o through business,” giit ni Lopez.
Sa nasabing programa makatatanggap ng 3, 000 kada buwan ang benepisyaryo sa pamamagitan ng cash card kung saan 40 -porsyento rito ay kasapi ng 4Ps program at 60 porsyento naman ang poorest of the poor batay sa talaan ng National Household Targeting System.
Suportado ng simbahan ang mga programa ng pamahalaan na makatutulong lalo sa mga dukha subalit panawagan ang pagbalangkas ng konkretong tugon sa mga pangunahing suliranin sa bansa tulad ng kahirapan, kagutuman at kawalang sapat na pagkakakitaan.