2,386 total views
Sinaklolohan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga residenteng naapektuhan ng matinding pag ulan kahapon na nagdulot ng flashfloods sa Kalamansig Sultan Kudarat.
Ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, agad na rumesponde ang Disaster Team ng Field Office 12 at nakipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs) at tinukoy ang pangangailangan ng mga pamilya.
Tiniyak naman ng kalihim na nakahanda ang kanilang ahensya sakaling tumindi ang pagbaha at mas maraming bilang ng mga residente ang kailanganing ilikas.
Tinatayang 3,826 na mga pamilya mula sa bayan ng Cadiz, Obial, Limulan, Sta. Maria at Kinalaan ang apektado ng pagbaha.
Nasa 78 pamilya naman na katumbas ng 390 indibidwal ang kinailangan nang ilikas, at sa kasalukuyan ay nanatili sa Brgy. Hinlaan Multipurpose Evacuation Center.
Kaugnay dito, una nang ipinaalala ng kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na ang pagiging pabaya ng tao sa kalikasan ang nagdudulot ng mga sakunang pumipinsala sa bawat buhay, tulad ng matitinding pag-ulan na nagdudulot ng mataas na pagbaha.