4,211 total views
Hinamon ng BAN Toxics ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Trade and Industry (DTI) na magsagawa ng pagsusuri sa mga pamilihan sa Metro Manila matapos matuklasan ang talamak na pagbebenta ng mga laruang may sangkap na lead sa Metro Manila.
Natuklasan sa pagsusuri ng grupo na 41 mula sa 50 sample ng mga laruan ang nakitaan ng lead, na may antas mula 16 parts per million hanggang 4,600 ppm.
Ayon kay BAN Toxics campaign and advocacy officer Thony Dizon, ang nasabing mga laruan ay wala ring wastong labeling, malinaw na paglabag sa Republic Act 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.
“We are calling on the Food and Drug Administration (FDA) and the Department of Trade and Industry (DTI) to prevent exposing our children to unsafe toys that may contain toxic chemicals such as lead. The lack of proper labeling alone should be reason enough for them to conduct inspections,” ayon kay Dizon.
Ang lead ay isang nakalalasong kemikal na may malalang epekto sa kalusugan ng mga bata, lalo na sa utak at central nervous system, na maaari magdulot ng permanenteng pagkabawas sa katalinuhan at mga problema sa pag-uugali.
Sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order 2013-24, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lead bilang sangkap sa mga laruang pambata.
Dahil dito, hinihikayat ng BAN Toxics ang mga magulang na maging maingat sa pagbili ng laruan at tiyaking sumusunod ang mga ito sa mga regulasyon para sa kaligtasan ng produkto.
“The public should be informed and assert that product health and safety is a fundamental consumer right,” saad ni Dizon.
Samantala, maglulunsad din ng mga gawain at kampanya ang grupo, kabilang ang “Safe Toys for Kids” advocacy, upang magbigay ng kaalaman tungkol sa mga laruang ligtas para sa mga bata.
Bilang bahagi ng Consumer Welfare Month ngayong Oktubre, patuloy ang BAN Toxics sa pagsisikap na magbigay ng impormasyon at pangalagaan ang karapatan ng mga mamimili.
Sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan, sang-ayon ang simbahan na kumita ang mga mamumuhunan, subalit mahalagang matiyak na ang negosyo nito’y hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mamamayan at pinsala sa kalikasan.