4,151 total views
Hinikayat ng BAN Toxics ang Food and Drug Adminstration (FDA) at Department of Trade and Industry (DTI) na muling suriin ang Republic Act 10620 o ang Toy and Game Safety Labeling Act.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, ito’y dahil sa patuloy na pagbebenta sa mga laruang hindi pasado sa labeling requirements sa ilalim ng RA 10620, na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan at kalusugan ng mga bata.
“BAN Toxics calls the attention of the Food and Drug Administration and the Department of Trade and Industry to initiate multi-stakeholders’ consultation to assess RA 10620 and determine gaps and ways forward on how to fully implement the law to protect and promote consumer’s rights to health and safety.” pahayag ni Dizon.
10-taon na ang nakakalipas makaraang aprubahan ang RA 10620 na layong tiyakin ang kaligtasan ng mga mamimili lalo na ang mga bata.
Panawagan ng BAN Toxics na muli itong suriin kasabay ng paggunita sa Consumer Welfare Month ngayong Oktubre.
Taong 2013 nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang batas alinsunod sa RA No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines na layong isulong ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamimili.
“Now that the holiday season is near, we must enforce the law and conduct actions against toy manufacturers, importers, distributors, and retailers that violate the existing labeling requirements.” ayon kay Dizon.
Nakasaad sa RA 10620, na sinumang lalabag sa anumang isinasaad ng batas ay papatawan ng P10,000 hanggang P50,000 multa, o pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang dalawang taon.
Sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan, sang-ayon ang simbahan na kumita ang mga mamumuhunan, subalit mahalagang matiyak na ang negosyo nito’y hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mamamayan at pinsala sa kalikasan.