221 total views
Mariing kinondena ng Diocese of Butuan, Agusan del Norte ang mga napapaulat na patayang may kinalaman sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Butuan bishop Juan de Dios Pueblos, hindi dapat sinasang-ayunan o pinapayagan ang ganitong paraan ng pagsugpo sa kriminalidad.
Sinabi ng obispo, kailangan may ‘judicial process’ ang hakbang lalo na at nasa demokratiko tayong bansa.
“Campaign vs drugs, in that matter, we could not tolerate or allowed just to kill them because of this because of that, it has to undergo judicial process, we are living in a democracy, it has to follow judicial process,” pahayag ni Bishop Pueblos sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa obispo, iniimbestigahan na at minamatyagan na ang mga napaulat na personalidad o mga opisyal ng local government units (LGU’s) sa Mindanao na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Sinabi ni Bishop Pueblos na umaasa siya na magkakaroon ng magandang resulta ang imbestigasyon laban sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan.
“That’s true, they are slowly being investigated and monitored so with this kind of work I think something good will come out of this,” Ayon kay bishop Pueblos
Matatandaang limang heneral ng pulisya kabilang ang ilang mayor partikular na sa Cebu at sa Leyte ang pinangalanan ng pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa operasyon ng bawal na gamot.
Sa huling ulat ng Philippine National Police, nasa 565, 806 ang mga drug suspects na ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa buong bansa mula lamang ito July 1 hanggang August 2 ng taon habang 402 ang napapatay sa kampanya kontra ilegal na droga.
Una ng inihayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na may positibong resulta ang pinaigting na operasyon nito kontra droga dahil marami ang nais magbagong buhay sa pamamagitan ng pagsuko subalit may masama ring epekto ito dahil sa maraming bilang na napapatay na isang paglabag sa karapatang mabuhay at magbagong buhay ng inaakusahang kriminal.