199 total views
Pinuri ng isang obispo sa Mindanao ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa katiwalian at sa iligal na droga.
Ayon kay Jolo Sulu bishop Angelito Lampon, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Interreligious Dialogue, nararapat lamang mawakasan ang korapsyon na nagpapahirap sa mga Filipino at ang usapin ng iligal na droga na sumisira sa kinabukasan ng pamilya lalo na ng kabataan.
Gayunman, ayon sa obispo, kinakailangan pa rin tingnan kung nalalabag ba ang karapatang pantao base sa ating Saligang Batas.
“Of course, dapat lang kasi talamak talaga ang corruption at droga pero may Constitution tayo na sana din di masagasaan ang rights of the other people, in other words may due process sana,” pahayag ni Lampon sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa record ng Philippine National Police (PNP), mahigit na sa 11,000 ang naaarestong drug suspects sa unang quarter ng 2016.
Sinabi pa ng PNP na ang malaking bawas sa mga nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay may malaking epekto sa pagbaba ng kriminalidad sa isang lugar.
Una ng inihayag ng Santo Papa Francisco na ang lahat ay may karapatang magbago at bigyan ng pagkakataon lalo na ang mga nalululong sa bawal na gamot subalit kinakailangan ang suporta sa kanila ng lipunan at ng kanilang pamilya para sa tuluyan nilang paggaling na makatutulong sa pag-unlad ng kanilang sarili maging ng komunidad.