282 total views
Mga Kapanalig, ilang linggo bago siya bumaba sa puwesto, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya kinukundena ang itinuturing niyang kaibigan na si Vladimir Putin, ang presidente ng Russia. Mahigit tatlong buwan na ring nagpapatuloy ang pananakop ng Russia sa bansang Ukraine, at mahigit apat na libong sibilyan na ang namamatay at milyun-milyon ang napilitang lumisan. Ikinalulungkot daw ng ating presidente ang pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan ng Ukraine, ngunit hindi naman din niya kukundinahin si President Putin.
Gayunman, itinanggi niyang katulad siya ni Putin na naglulunsad ng giyerang ikinamatay ng mga inosente. Siya mismo ang nagsabing “pumapatay talaga” siya “noon pa.” Pero ang pinapatay daw niya ay ang mga kriminal, hindi mga bata o matatanda. Nakapangingilabot at nakapanlulumong isiping kaya ni Pangulong Duterte na ipagmalaking nakapatay na siya at para bang walang mali rito. Katwiran niya, mga kriminal naman daw ang pinatay niya. Sabat naman ng kanyang mga masugid na tagasuporta, tama lang ito, lalo na kung mga salot sa lipunan, katulad ng mga lulong sa droga, ang dinidispatsa.
Isa sa mga itinuturing ng administrasyon na tagumpay nito sa anim na taóng termino ni Pangulong Duterte ay ang “war on drugs” at mananatili itong legacy, ‘ika nga, ng sikat na mayor mula sa Davao. Mas tumahimik na raw ang mga komunidad. Nabawasan na raw ang mga adik na gumagawa ng krimen. Dumami ang mga barangay na sinasabing drug-free. Ganito rin ba ang inyong paniniwala?
Para kay Pangulong Duterte at sa mga umiidolo sa kanya, ang buhay ng mahigit anim na libong “drug personalities” na napatay sa mga operasyon ng pulis ay maliit na sakripisyo para sa kapayapaan at kaligtasang tinatamasa raw natin ngayon. Ang mga napatay ng mga vigilante, na sinasabing mas marami kaysa sa mga namatay sa kamay ng awtoridad, ay hindi raw dapat isinisisi sa gobyerno. Ang mga menor de edad na napatay, target man sila o nadamay lamang, ay mga collateral damage o pinsalang hindi maiiwasan sa isang giyerang magsasalba raw sa kinabukasan ng ating kabataan. Nakakaawa man daw ang mga naulilang asawa, anak, at magulang ng mga biktima ng pulis o vigilante, pero ito raw ang kapalarang hindi nila maiiwasan.
Sa 1 Pedro 4:10, pinaaalalahanan ang “mabubuting katiwala” na gamitin ang iba’t ibang kaloob sa kanila ng Diyos sa kapakinabangan ng lahat. Ang mga pinuno ng bayang inihahalal ng mga mamamayan ay nabigyan ng natatanging pagkakataong maging katiwala at maglingkod sa lahat. Sa sandaling maupo na sila sa puwesto, dapat nilang gamitin ang kanilang kakayahan upang maging mabuting tagapangasiwa ng gobyerno. Ngunit kung ang pamamahala nila ay nakabatay sa kung ano lamang ang gusto nila, tiyak na may mga maiiwanan, maaabuso, at maaapakan. Kung wala silang problema sa pagpatay sa mga tao at sa pagbalewala sa tamang proseso ng batas, masasabi ba nating nakakasama ang lahat sa bunga ng sinasabi nilang kapayapaan at kaayusan? Gaya pa ipinahihiwatig ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, kung lantaran ang pangungutya sa pagtataguyod ng kung ano ang mabuti at tama at kung walang pagpapahalaga sa buhay ang isang lipunan, ang maipapasa sa mga susunod na henerasyon ay karahasan, kawalang-pakialam, at makasariling pamumuhay.
Mga Kapanalig, aalis si Pangulong Duterte na may dugo sa kanyang mga kamay. Sa kabila nito, maaaring mas marami ang papalakpakan ang pamana niyang “war on drugs” at magbibingi-bingihan sa pagtangis ng mga naulila ng mga isinakripisyo sa ngalan ng anila’y kapayapaan at kaayusan. Naniniwala tayong darating ang panahong huhusgahan ng kasaysayan ang administrasyong Duterte, hindi sa kung paano nito kinalinga ang mahihirap at mahihina kundi sa kung paano nito pinalaganap ang kultura ng pagpatay.