1,544 total views
Hinimok ng Arkidiyosesis ng Lipa ang mga mananampalataya na magtungo na sa mga parokya para sa pagdalo ng banal na misa lalo na tuwing araw ng Linggo.
Sa liham-sirkular ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, ito’y paraan upang magbalik-loob at muling tanggapin ang Panginoon nang may pag-asa at pagmamahal sa kabila ng mga pinagdaanang pagsubok.
“I highly encourage our faithful to attend in-person the Sunday Eucharist with a purified heart, renewed amazement, and increased desire to meet the Lord, to be with him, to receive him and bring him to our brothers and sisters with the witness of a life full of faith, love and hope.” pahayag ni Archbishop Garcera.
Ito ay ayon na rin sa inilabas na kalatas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamumuno ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, noong Oktubre 2022.
Ito ay kaugnay na rin sa unti-unting pagbuti ng kalagayan ng bansa mula sa krisis dulot ng coronavirus pandemic magmula nang lumaganap ito dalawang taon na ang nakalilipas.
Una na ring naging panghalili ng simbahan ang social media o livestreaming sa pagdaraos ng mga misa at iba pang gawaing pangsimbahan sa kasagsagan ng pandemya upang mapanatiling ligtas ang mananampalataya mula sa banta ng sakit.
Sa kasalukuyan, ipinapatupad pa rin ng simbahan ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at paggamit ng alcohol bilang patuloy na pag-iingat laban sa COVID-19.
Panawagan din ng simbahan sa mga mananampalataya ang patuloy na pananalangin ng Oratio Imperata upang tuluyan nang malunasan ang umiiral na pandemyang lubos na nagpahirap sa sanlibutan.