639 total views
Nananawagan ng tulong ang mga Katutubong Dumagat na naninirahan sa Tanay Rizal at General Nakar Quezon na kabilang sa lubhang nasalanta ng Bagyong Karding.
Ayon kay Mhemar Silongan, higit na kinakailangan ang gamot laban sa Diarrhea dahil sa Diarrhea Outbreak sa Sitio Nayon Baranggay Santa Elena Tanay, Rizal makaraan ang malakas na bagyo.
Ayon Silongan, umaabot na sa limang Dumagat ang nasawi kabilang na ang sanggol sa Rizal, habang dalawa naman ang nailulat na nasawi sa Quezon dahil sa komplikasyon sa diarrhea.
“Sa ngayon po matindi po yung naging takot namin sa nangyari ngayon, gawa ng kakaiba po itong nangyari ngayon hindi po katulad dati na parang kayang solusyunan ng mga gamot namin sa bundok na mga herbal, ngayon po ang ikinatakot po namin parang oras yung hinahabol ng buhay ng bawat tao,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Silongan.
Ayon pa kay Silongan, bagamat maraming residente ang nakakaranas ng pananakit ng tiyan, mayorya ng mga biktima ng sakit ay mga Katutubong Dumagat.
Higit ring pinahirap ng sitwasyon ang pinsalang idinulot ng Bagyong Karding kung kaya’t apektado na ang kabuhayan ng pagtatanim ng mga katutubo.
Una ng tiniyak ng Department of Health ang patatalaga ng mga manggagamot at nurse upang tingnan ang kalagayan ng pamayanan gayundin ang pagsusuri sa pinagmulan ng sakit.
“Pinapanawagan po namin ay yung gamot gawa ng doon po sa amin, malayo po sa amin, katulad ng halimbawa ospital ay malayo po kaya kailangan po namin doon yung mga pang-agarang lunas, mga gamot,” ayon pa sa panawagan ni Silongan.
Sa tala, 33% ng 14-17-milyong mga katutubo sa Pilipinas ang naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre kung saan nananahan ang mga Katutubong Dumagat.