11,986 total views
Hindi maikakaila na may ipinag-utos ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na paslangin ang sinumang may kinalaman sa ilegal na kalakalan ng droga.
Ito ang naging reaksyon ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Permanent Committee on Public Affairs sa mga pahayag ni Duterte sa Blue Ribbon Committee ng Senado, kaugnay sa iniimbestigahang extra judicial killings na dulot ng war against illegal drugs.
“Kahit ano mang pagtatakip at paligoy-ligoy na pagpapaliwag, hindi maikaka-ila na may utos sa kapulisan ang dating pangulo na patayin ang sino mang may kinalaman sa “drug trade,” ayon kay Fr. Secillano sa ipinadalang mensahe sa Radio Veritas.
Pinuri naman ng pari ang paninindigan ni Senador Riza Hontiveros na panatilihin ang dignidad ng Mataas na Kapulungan sa ipinakitangg kawalang paggalang ng dating pangulo.
“Saludo ako sa paninindigan ni Sen. Hontiveros. Di hamak na siya lang ang tumayo para isalba ang dignidad ng Senado sa kawalan ng respeto ng dating Pangulo.”pahayag ni Fr.Secillano
Humarap ang dating pangulo, sa kauna-unahang pagdinig sa Senado at itinangging ipinag-utos niya sa mga pulis ang pagpatay, sa halip ay bigyang pagkakataon ang mga drug suspect na manlaban, para bigyang katwiran ang mga pagpaslang.
Sa ulat ng Philippine National Police, may anim na libo katao ang naitalang nasawi sa police operations kaugnay sa ilegal na droga.
Naniniwala naman si Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. na ang walang pag-aalinlangang pag-ako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya lamang ang may pananagutan sa libu-libong pagkamatay sa drug war ay maaaring magbigay daan para sa pagsasampa ng kaso sa lokal at international criminal court.
Ang 73-taong-gulang na dating pangulo, na kilala sa kanyang mga kontrobersyal na pahayag, ay nagdeklarang hindi dapat kuwestyunin ang kanyang patakaran, nang walang pagsisi at paliwanag sa kaniyang ginawa.
Sinabi Abante, chairman ng House Committee on Human Rights at bahagi ng Quad Committee na nag-iimbestiga sa mga alegasyon ng extrajudicial killings na ang pahayag ng dating pangulo ay maaaring magdulot ng higit pang legal na implikasyon.
Sa pagdinig ng Senado, inamin din ng dating Pangulo ang paglikha ng seven-man hit squad o ang Davao Death Squad (DDS)- na pinangunahan ng mga dating hepe ng Philippine National Police (PNP) kabilang na si Sen. Ronald Dela Rosa—noong siya ay alkalde ng Davao City, isang usapin na dati niyang itinanggi.
Iginiit ni Abante na ang mga pahayag ni Duterte ay nagbibigay ng sapat na batayan sa mga ahensya tulad ng Department of Justice (DoJ), Office of the Ombudsman, at iba pang mga kaugnay na awtoridad na magsimula ng kanilang imbestigasyon.
Sa katuruan ng simbahan tungkol sa pag-amin ng kasalanan ay naglalayong ipakita ang kahalagahan ng pagtanggap ng mga pagkakamali, ang proseso ng pagsisisi, at ang kapangyarihan ng kapatawaran.