174 total views
Umaasa ang Obispo ng Simbahang Katolika na tuluyang mawala na ang korapsyon at drug addiction sa ating bayan sa pamumuno ni President Rodrigo Duterte.
Ayon kay Kalookan Bishop emeritus Deogracias Iniguez, malaki ang pag-asa ng taumbayan sa bagong presidente na tunay siyang maging lingkod ng ating bayan at maging sentro ito ng kanyang puso.
Inihayag ng Obispo na mula sa kanyang karanasan sa Davao ay magawa niya rin ito sa buong bansa sa paraang naaayon at sumusunod sa ating batas.
“Bilang nahalal na pangulo inaasahan natin na siya ay magiging isang talagang lingkod ng bayan na nasa puso ang kapakanan ng ating bansa at mula doon sa mga karanasan niya. Inaasahan natin na ang drug addiction at ang korapsyon ay kanyang makokontrol at sana sa isang paaran na naayon naman sa batas, ” pahayag ni Bishop Iniguez sa Radio Veritas.
Umaasa din ang Obispo na makikinig sa ibat-ibang religious group ang bagong pangulo hinggil sa iba’t- ibang adbokasiya hinggil sa pagpapalago ng buhay at moralidad ng sambayanang Filipino.
“Bilang pangulo natin at bilang lingkod ng sambayanan natitiyak kong bibigyan naman niya ng pansin ‘yung mga advocacy ng simbahan natin at ng ibang mga simbahan at ng iba ding mga grupo na maging bukas siya para sa lahat ng mga ito,” pahayag ng Obispo.
Mula sa datos ng Philippine National Police o PNP na tumaas ng 200 percent ang mga napapatay ng mga drug addict at drug dealer na umaabot sa kabuang 70 habang 17 libo na ang naaresto dahil sa anti-illegal drug campaign ni President Duterte.