393 total views
Pinuri ng prison pastoral care ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang electronic dalaw system ng mga piitan sa bansa.
Ayon kay Gerry Bernabe, national coordinator ng komisyon mahalaga ang komunikasyon sa pamilya ng mga ‘persons deprived of liberty o PDL’ lalo ngayong panahon ng pandemya. Sinabi ng opisyal mahalaga ito lalo’t isa sa kaugalian ng mga Filipino ang pagiging malapit sa pamilya partikular sa mga panahong nahaharap sa matinding pagsubok sa buhay.
“Napakagandang inisyatiba ng pamahalaan lalo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magkaroon ng ‘E-dalaw’ system; isa ito sa very essential needs ng mga bilanggo ang magkaroon ng komunikasyon sa kanilang pamilya,” bahagi ng pahayag ni Bernabe sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng opisyal makatutulong ito sa mga PDL na patuloy naghihintay ng resulta ng paglilitis ng kaso sa mga hukuman.
Dahil dito nanawagan ang prison ministry ng simbahan sa pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad sa pasilidad ng mga piitan sa bansa lalo na sa makabagong teknolohiya upang maisasagawa ang e-dalaw sa lahat ng piitan.
“Nanawagan ako sa kongreso na sana paglaanan ng budget ang BJMP next year para lahat ng mga jails ay internet compliant na at ma-replicate ang e-dalaw hindi lang sa BJMP kundi maging sa Bureau of Corrections,” ani Bernabe.
Ayon kay Bernabe ito na rin ay maituturing na new normal sa mga piitan lalo’t nilimitahan ang pisikal na pagdalaw upang makaiwas sa pagkahawa mula sa virus at ginagawa na rin ang virtual case hearing sa mga paglilitis.
Nababahala ang CBCP sa pagbabawal sa pagdalaw ng mga kaanak ng mga PDL sapagkat ito ang nagiging sanhi ng kaguluhan sa mga piitan dahil sa naransang ‘extreme boredom’ ng mga bilanggo.
Kaugnay dito patuloy naman ang pagpapatupad ng prison ministry ng mga gawaing pang espiritwal katuwang ang mga jail chaplains’ ng BJMP tulad ng mga Banal na misa para mahubog ang espiritwalidad ng mga bilanggo.
“May mga jail chaplains’ ng nagsasagawa ng mga Misa sapagkat kailangan din ang spiritual and pastoral care ng mga PDLs, essential din ito para sa kanila,” giit ni Bernabe.
Sa kasalukuyang tala mahigit na sa 200-libo ang mga nakakulong sa mahigit 900 kulungan sa bansa.