3,556 total views
March 11, 2020, 3:39PM
Mula sa malakihang aktibidad, ipagdiriwang ngayong taon sa pamamagitan ng Social Media ang Earth Hour 2020.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature – isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan kung saan isa sa mga media partner ang Radio Veritas.
Ayon kay Atty Gia Ibay, ang Earth Hour Philippines National Director and concurrent head of WWF-Philippines’ Climate and Energy Program, bago pa man magkaroon ng banta ng COVID-19 sa bansa, napagdesisyunan na ng grupo ang digital celebration ng taunang Earth Hour.
“This year, we are going digital, because we’ve seen the power of what the social media and the digital platform can really bring Earth Hour in getting our reach across. It’s not just gathering people physically but also be able to reach worldwide.” pahayag ni Ibay.
Tema ngayong taon ang #ChangeTheEnding na naglalayong hikayatin ang mga Filipino na gumawa ng mga hakbang para solusyunan ang kasalukuyang problema sa kalikasan.
Binibigyang diin din nito na bagama’t malaki na ang epekto ng mga makamundong gawain sa pagkasira ng kalikasan ay hindi pa rin huli para kumilos at baguhin ito.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Noong 2019 mahigit 17,900 mga institusyon at establisyimento kabilang na ang mga simbahan mula sa 188 mga bansa ang nakiisa sa pagpatay ng kuryente.
Ngayong ika-28 ng Marso, ipagdiriwang ang ika-13 taon ng Earth Hour na may temang change the ending.
Hinihikayat ng grupo ang mga Filipino na makiisa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga online content at gamitin ang mga hashtags na #EarthHour2020, #Connect2Earth at #ChangeTheEnding.
Maari ring bisitahin ang mga social media accounts ng WWF-Phillipines sa www.earthhour.org at sa wwf.org.ph