28,228 total views
Muling pangungunahan ng World Wide Fund for Nature (WWF) Philippines ang Earth Hour 2024 na patuloy na panawagang bigyang pahinga ang daigdig na gampanin ng bawat isa upang pangalagaan ang kalikasan.
Ayon kay WWF Philippines executive director Katherine Custodio, sa simula pa lamang ay tunay nang magkaugnay ang tao at kalikasan.
Gayunman sa paglipas ng panahon ay nakakalimutan na ng mga tao ang tungkuling pangalagaan ang kalikasan.
Sinabi ni Custodio na dahil sa labis at maling pamumuhay ng mga tao ay higit pang nararanasan ang mapaminsalang epekto ng krisis sa klima.
“Too many of us have forgotten that we are deeply connected with nature, but the way we live, the way we produce and consume, the way we create the spaces we live – all have made a tremendous impact on our environment, on biodiversity. We need to remember a simple message that humans will be [okay] only if nature, our planet is [okay],” pahayag ni Custodio.
Bibigyang-pansin sa Earth Hour 2024 ang pagtugon sa plastic pollution na kabilang sa mga suliranin ng bansa na hindi lamang nakakaapekto sa kalikasan kun’di maging sa kalusugan ng mamamayan.
Batay sa pagsusuri, dalawang milyong toneladang plastic waste ang nalilikha sa Pilipinas kada taon, kung saan siyam na porsyento lamang dito ang nare-recycle, at 35-porsyento naman ang nakokolekta mula sa karagatan.
“As we are an archipelago of 7,640 islands, the damage caused by plastic pollution to our environment is magnified,” ayon kay Custodio.
Kaugnay nito, magiging katuwang ng WWF-Philippines ang Manila City Government upang manguna sa pagdiriwang ng Earth Hour 2024 sa March 23 sa Kartilya ng Katipunan, sa tabi ng Manila City Hall.
Inaasahang itatampok dito ang isang oras na pagpapatay ng mga ilaw sa mga kilalang landmark sa lungsod tulad ng Manila City Hall at Rizal Monument mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi.
Inaasahan din ang pakikibahagi ng national landmarks, tanggapan ng pamahalaan, at mga pamayanan sa buong bansa sa pagpapatay ng mga kagamitang de-kuryente bilang pagsuporta sa layuning pangalagaan ang daigdig.
Live namang mapapakinggan sa Radio Veritas 846 ang programang “Banal na Oras para sa Kalikasan”.
Taong 2007 nang unang isagawa ang Earth Hour sa Sydney, Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.