230 total views
Homily
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Manila Cathedral – April 17, 2017
Mga kapatid sa Panginoong Hesukristo, una sa lahat pagbati sa inyo ng isang mabiyaya at maligayang pasko ng muling pagkabuhay, happy Easter po sa inyong lahat.
At maganda po itong ating taunang pagtitipon pagkatapos ng kuwaresma, sema santa at itong tatlong araw ng puspusang paghahanda at ito’y hindi para sa atin, ito ay para dakilain ang Panginoon, ang ating pagod na ginawa ay maging kaaya-ayang handog natin sa Diyos. At harinawa, ang mga mananampalataya at pati yung mga hindi mananampalataya, marami kasing turista nagmi-meron, nakiki-usyoso, sana sa magaganda nating mga naging selebrasyon nawa’y nakilala nila lalo ang Panginoong Hesukristo.
Tayo naman mayroon din po tayong responsibilidad na pasukin, unawain itong misteryo ng tagumpay ng Diyos laban sa kasalanan at kamatayan na naganap kay Kristo Hesus. Mula pa po noong isang araw ay aking pinagsisikapan na ipakita na ang muling pagkabuhay ni Hesus, ang tagumpay ng Diyos laban sa kamatayan at kasalanan ay hindi isang bagay na napakatayog, na napakalayo nandun sa alapaap at napakahirap nating unawain at abutin.
Kasi sa totoo lang po sino ba sa atin ang mabibiyayaan tulad nila San Pedro, mga alagad na makita nila harap-harapan si Kristong muling mabuhay? Iyong karanasan nila San Pedro para sa kanila yun, natatangi yun. Hindi na natin inaambisyon na tayo rin na magkaroon ng ganoon.
Siguro po ang maganda ay sundan ang mga pahayag sa ebanghelyo, pakinggan niyo po ang mga ebanghelyo, itong darating na limang linggo makikita ninyo na ang tagumpay ni Krsito ang kanyang muling pagkabuhay ay bahagi ng ordinaryong buhay.
Sa katunayan kapag nagpapakita si Hesus na muling nabuhay hindi po sa pamamaraang nagluluningning o kaya parang extra-ordinary. Simple lang, napagkamalan nga siyang hardinero, hindi nga siya nakilala nung siya nakipaglakad doon sa dalawang alagad papuntang Emmaus. Hindi siya nakilala nung nandun siya sa dalampasigan at nagsabi kay Pedro na mayroon ba kayong nahuling isda? Mga ordinaryong usapan, ordinaryong mga pangyayari sa buhay pero sa liwanag ng muling pagkabuhay ang ordinaryong pangyayari nagiging pagpapakita ng lakas ng Diyos.Kaya tuloy lang ang ordinaryong buhay pero isinasabuhay at tinitingnan sa liwanag ng tagumpay ni Hesus.
Sa ebanghelyong narinig po natin hayaan niyong magbigay ako ng halimbawa ng mga ordinaryong pangyayari.
Sa ebanghelyo, dali-dali ang mga babae pagkatapos sila nasabihan ng anghel na wala na dito si Hesus siya ay muling nabuhay. Dali-daling silang umalis papunta sa mga alagad para ibalita ang nangyari, balitaan, ordinaryo iyan. Sigurado mamaya o kanina pa lang siguro noong nagkita-kita kayo nagbalitaan na kayo. Anong oras ka umalis kanina, ma-traffick na ba? Bakit mukhang namamaga ang mata mo? Ang balitaan ordinaryo iyan, kapag meron tayong nakita na wow extended ang easter sale sa ganitong mall parang mga babae sa ebanghelyo nagmamadali tayo, kung hindi man tatakbo tatawag magti-text, punta kayo doon may sale. Ang balitaan bahagi ng ordinaryong buhay pero ang balitaan pala ay isang pamamaraan upang ang mabuting balita ay maipahayag. Iyong sermon ni Pedro sa unang pagbasa, isa lamang iyan sa pamamaraan. Ang unang-unang pamamaraan ng pagpapahayag na si Kristo ay muling nabuhay sa pamamagitan ng simpleng balitaan. Sige tuloy niyo ang balitaan, huwag tsismisan. Balitaan ang simpleng pagkukuwentuhan, ano ang pinagkukuwentuhan, ano ang ibinabalita, huwag niyong sasabihin simpleng tao lang naman ako hindi ako nakapag- aral, hindi ko kayang ipaliwanag ang ebanghelyo? Sino ako para sumaksi kay Kristong muling nabuhay.
Ang unang pamamaraan simpleng pagbabalita sa mga kaibigan. Gamitin ninyo ang balitaan at kuwentuhan para ipakita ang tagumpay ni Kristo laban sa kamatayan. Sa mga may asawa, kayong mag-asawa siguro nagbabalitaan naman kayo kung minsan kumusta ba ang araw na ito? Iyong balitaan at kuwentuhan ng mag-asawa doon maipahayag may pag-asa, mas malakas ang pag-ibig kaysa hilahil.
Kapag nagkukuwentuhan kayo, ikuwento ninyo rin kung papaanong ang pagtitiyaga, ang pag-unawa, ang pagpapatawad ay nagtatagumpay laban sa mga hinanakit, sa mga sama ng loob, sa mga hindi pagkakaunawaan. Iyan ang balitang si Kristo ay muling nabuhay. Simpleng balitaan pero kung ang balitaan niyo naiiwan na lang sa puro hindi maganda at nagtatapos sa hindi maganda parang bumalik na naman sa paglilibing kay Hesus at hindi umuuwi sa balitaan ng mabuting balita.
Hindi homiliya, hindi sermon, simple lang hindi yung aming matatayog na statements, ang pagpapahayag, balitaan at lahat kayang magbalita.
Iyong ikalawa, mahalaga sabi ni Hesus sa mga babae pumunta kayo sa mga kapatid ko, magbalita kayo at sabihin sa kanila pumunta sa Galilea. Makikita nila ako roon sa Galilea, so hindi lang pala balita pati lakad at pagtatagpo.
Si Kristong muling nabuhay simple, sabi Niya, sabihin mo sa mga kaibigan ko ha mayroon kaming date magkita kami, ganun ang mabuting balita, ganun si Kristong muling nabuhay, sabihin mo sa kanila magtagpo kami.
Kaya yung mga mag-asawa, mag date kayo, yung pagdi-date na iyan baka iyan ang karanasan ng muling pagkabuhay. Kasi ang mundo ngayon ayaw magtagpo, sa halip na magkita laging salungat, laging kontrahan, magdate nga magkita tayo, simpleng pagtatagpo.
Kung meron kayong hindi nakikita ng matagal, sabi ni Hesus magkita tayo sa Galilea. Alam po ninyo noong panahon ni Hesus ang Galilea ay isang lugar na ang tawag nila Galilea ng mga Hentil, Galilea ng mga pagano, lugar na minamaliit kasi halo-halo ang mga tao, may mga Israelita, mayroong mga hindi naniniwala sa Diyos. Kaya ang tingin ng mga taga-Jerusalem, ang Galilea mababang uri.
Doon gusto ni Hesus magkita sila muli.Bakit? Kasi doon sila unang nagtagpo, sa Galilea niya tinawag si Pedro at si Andres, sa Galilea niya unang nakita si Juan at si Santiago. Sinasabi ni Hesus, sabihin mo sa mga alagad ko magkita kami sa Galilea. Anuman ang nangyari sa Jerusalem, anuman ang nangyari ng samaan ng loob magkita kami kung saan ang aming love story ay nagsimula.
Di ba ang ganda-ganda, simpleng-simple kaya sabi ko magdate kayo, yung mga mag-asawa pumunta kayo doon sa lugawan kung saan kayo unang nagtagpo. Pumunta kayo doon sa lugar na ang pag- ibig ay manunumbalik. Kung hindi man lugar,
mga alaala, ako kahit ganito na katanda at magmimisa, maglalagay ng insenso parang bumabalik ako sa Galilea.
Naalala ko noong bata kami umaattend kami ng benediction, holy hour iyong amoy ng insenso parang pagtatagpo
muli sa Galilea.
Stories of first encounters kumbaga sabi nga noong Jesus Christ superstar can we start again please. Bumalik sa Galilea, magsimula tayong muli. Saan ang inyong Galilea, mukhang hindi Jerusalem pero doon matatagpuan si Hesus. Hindi doon sa nagpapanggap na malinis, banal na templong Jerusalem minsan matatagpuan si Hesus sa minamaliiit at tinuturing na maruming Galilea. Doon ko kayo tatagpuin sa mga simpleng tao, sa mga minamaliiit, sa preso, sa mga detention centers. Kailangang bumalik sa first love and first encounters.
Panghuli po, ito ang medyo hindi maganda, samantalang iyong mga bababe ay magbabalita at ang mga alagad ay makikipagdate muli kay Hesus. Ang mga guwardiya na nagbabantay sa libingan sinuhulan ng mga punong pari at sabi sa kanila, o heto ang salapi ikalat ninyo ang balita na hindi naman totoo ang muling pagkabuhay, ninakaw ng mga alagad ang katawan ni Kristo. Alam nitong mga gwardiya ang ktotohanan, nandoon sila nung lumindol, noong natanggal ang bato sila’y nanggilalas, natakot nga sila at alam nila ang totoo.
Pero nandiyan mamili ka, iyong totoo o iyong salapi? Tinanggap nila ang salapi. Si Hesus ipinagkanulo sa 30-pirasong pilak pati ang kanyang muling pagkabuhay ipinagpalit sa salapi, sa kamatayan at sa muling pagkabuhay lagi na lamang ipinagpapalit si Hesus sa salapi.
Ito po ay magandang paalala, saan natin nilalagay ang ating pag-asa kay Hesus ba o sa salapi? kay Hesus ba o sa sariling karangalan? kay Hesus ba o sa image, power, honor?
Ang mundo natin ngayon parang mas gustong ibigay ang pag-asa hindi kay Hesus kundi sa makamundong pag-asa. Akala ng iba basta maraming pera saved ka na, akala nung iba basta maganda yung insurance policy mo saved ka na, akala nung iba basta maganda yung gym na pinupuntahan saved na ako, akala nila na kapag maganda ang vitamin na iniinom saved na ako. Hindi natin sinasabi na hindi natin kailangan lahat iyon, pero hindi sila substitute para kay Hesus.
Kaya lagi tayong tinatanong, Hesus ba o salapi? Itong mga sususnod na araw makikita ninyo sa mga pagbasa na ang Kristong muling nabuhay dumarating pero minsan hindi natin siya makikita, pero ang liwanag niya nandoon sa mga ordinaryong balitaan, ordinaryong pagtatagpo, ordinaryong pagpili.
Harinawa sa kanyang tagumpay at liwanag maranasan natin ang Diyos ay higit pa kaysa ating kasalanan, sa ating mga sugat at sa ating kamatayan.
Tayo po ay tumahimik sandali at ibukas sa Diyos ang ating ordinaryong pagkatao, ordinaryong alalahanin upang ang kanyang liwanag at tagumpay ay mapasa-atin.