231 total views
Isang kongkretong tugon sa panawagan ni Pope Francis sa Encyclical na Laudato Si’ ang isinagawang “Eco-Forum” ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental kasama ang makakalikasang grupo ngayong ika-14 ng Hulyo, 2017.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, sa ilalim ng temang “Responding to the Cry of the Poor and the Cry of our Common Home” ay nabigyan ng kaalaman ang mas maraming tao kaugnay sa tunay na krisis na kinakaharap ng mundo.
Binigyang diin sa forum ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng bawat tao na pangalagaan ang kalikasan.
“This is a one concrete response to the call mismo ni Pope Francis yung Laudato Si to really take seriously as part of our baptismal promise of commitment to really care for the environment kase related po yan sa pag-care din natin sa cry of the poor, kasi di natin mahiwalay yan. Ang importante dito maka-raise ng awareness,”pahayag ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Tinalakay din sa forum ang mga paksang “Renewable against Coal, Climate Crisis and Our Collective Response, at Alternatives and Grassroots Mobilization.”
Ayon sa Obispo, madalas na nabibigyang pagkakataon ang mga kumpanyang nagtatayo ng mga Coal Fired Power Plants na ihayag ang kanilang proyekto kaya marapat na mabigyang kaalaman din ang mamamayan sa masamang epekto nito at ang alternatibong pamalit dito ay renewable energy.
“Usually ang ma-hear lang na side lalo na sa use of coal, ang point of view ng nasa business ang kanilang palaging starting point of argument, kumparahin ang coal is much, much cheaper sa renewable energy, hindi na consider yung invisible cause if you use continuously coal. Hopefully in this forum we could allow the voices coming from those who are really committed to care for the environment na marinig din natin,” pahayag ng Obispo.
Tiniyak ni Bishop Alminaza na tuloy-tuloy ang isasagawang forum ng Diocese para mapalawak ang kaalaman ng mamamayan sa pangangalaga sa kalikasan at mababago ang gawi ng pamumuhay ng bawat tao upang makamit ang tinatawag ni Pope Francis na Ecological Conversion.
Umaasa din ang Obispo na sa susunod pang mga Eco-forum ay magiging kaisa nito ang pamahalaan at business sector na kabilang sa mga may mahalagang gampanin sa pangangalaga sa kalikasan.
Kaugnay nito, nanindigan si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na maisasalba ang mundo sa pagkasira kung magkakaroon ng ecological conversion ang mga tao.
Read: Ecological conversion, kailangan para maisalba ang mundo