280 total views
Mga Kapanalig, isa sa laging ‘di kaaya-ayang dulot ng anumang eleksyon ay ang napakaraming mga tarpaulin na ginamit sa pangangampanya. Pagkatapos ng eleksyon, babaklasin at itinatapon lamang ang mga ito at daan-daang taon ang aabutin bago mabulok. Nakiusap ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government sa mga kandidato at mga lokal na opsiyal na magsagawa ng paglilinis pagkatapos ng eleksyon. Sikapin din daw nilang i-recycle, imbis na itapon, ang napakaraming mga tarpaulin. Noong eleksyon ng 2019, mahigit sa 168 tonelada ng mga campaign materials ang nakolekta.
Alam nating lahat ang pinsalang nagagawa sa ating kapaligiran ng pagbabasura ng anumang materyales na gawa sa plastik na hindi nabubulok at nakalalason pa sa lupa. Mas nakapipinsala pa ang mga ito kapag nababarahan nila ang mga daluyan ng tubig-ulan at napapadpad sa mga ilog at karagatan at maaaring pumatay sa mga hayop doon. Habang patuloy ang ganitong gawain tuwing eleksyon, padagdag nang padagdag ang lasong iniiwan ng mga ganitong uri ng basura sa ating mga lupain at karagatan. Malinaw na patunay ito na ang mga gawain ng mga tao ang nagdudulot ng pagkasira ng ating mundo.
Bagamat nakatutulong ang pagre-recycle ng mga tarpaulin, kakaunti lamang ang gumagawa nito. Hindi kaya panahon na upang tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng mga materyales na gawa sa plastik sa mga kampanya sa hinaharap? Sa kabila ng tuluy-tuloy na pagkasira ng ating kapaligiran, hindi ito gaanong napag-uusapan o tinatalakay sa kampanya ng mga kandidato. Bihira ang mga kandidatong nagbanggit man lamang ng plataporma ukol sa pagbabawas ng paggamit ng plastik.
Hindi kaya panahon na ring seryosohin ang pagbabawas ng paggamit ng plastik sa ating mga binibili at ginagamit? Nagsimula na tayo noon sa pagbabawal sa paggamit ng mga plastik na shopping bags. Pero ngayon, tila bumabalik na naman ang masamang ugaling ito. Imbis na lalo nating pinalalaganap ang pagtigil sa paggamit ng mga plastik na minsan lang gamitin ay tila nagiging mas maluwag pa tayo sa ating mga sarili.
Sa mga susunod na halalan, maaari kayang ipagbawal na ang paggamit ng mga tarpaulin at humanap ng ibang paraan upang ipakilala ang mga kandidato? Ang krisis sa klima at ang pagkasira ng kapaligiran ay hindi maliliit na bagay. Bawat araw na ating ipinagpapaliban ang pag-aksyon upang mabawasan ang pagkasirang ito, lalong humihirap ang pagbibigay-lunas sa problemang palaki nang palaki.
Malinaw ang wika sa Genesis 2:15: “Kinuha ng Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.” Mahirap na gawain ang mangalaga at ingatan ang kalikasan, lalo na kapag ito ay napinsala na nang napakahabang panahon. Sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, lalo pang binibigyang-diin ni Pope Francis na sapagkat ang mundo ay tahanang ating pinagsasaluhan, kailangang sama-sama rin tayo sa pangangalaga nito. Ngunit upang magawa natin ito, kailangan natin ng tinatawag na “ecological conversion” o pagbabalik-loob sa nilalayon ng Diyos na relasyon natin sa ating mundo at sa ating kapwa, lalo na sa mga mahihirap na pinakanaaapektuhan ng pagkasira ng mundo. Ang ating relasyon sa mundo at sa kapwa ay parehong nag-uugat sa relasyon natin kay Hesus. At hindi sapat na ang pagbabalik-loob na ito ay bilang mga indibidwal lamang kundi bilang isang komunidad.
Mga Kapanalig, ito ang nasaksihan natin sa nagdaang eleksyon. Kailangang buong mga komunidad at, sa katunayan, buong bansa ang sama-samang hihinto sa paggamit ng mga mapanirang plastik sa kampanya at sa maraming bagay na ating binibili at ginagamit. Kailangang kaisa natin dito ang mga namumuno sa atin. Kailangan ang tunay na pagbabalik-loob sa layunin ng Panginoon sa kanyang paglikha sa atin at sa mundo, at ang ating pagtalima sa kalooban Niya.