184 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na pahalagahan ang kalikasang handog ng Panginoon sa mga tao.
Ito ay bahagi ng kanyang pagninilay sa ginanap na Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang katawan at dugo ni Hesukristo noong ika-23 ng Hunyo, sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament, Sta. Cruz Parish.
Ayon sa Kardinal, ang presensya ni Hesus ay makikita sa mga simpleng bagay na nilikha ng Diyos tulad ng tinapay, alak at isda.
Sinabi ng Kardinal na sa pamamagitan ng pagkalinga at pag-aaruga sa kalikasang pinagmumulan ng mga simpleng pagkain na ito ay madarama ng tao ang pag-ibig ng Diyos at gayundin ay maipakikita sa Diyos ang pagpapahalaga ng tao sa Kanyang nilikha.
“Nakikiusap po ako sa ating lahat pahalagahan ang kalikasan pahalagahan ang ating mundo dahil galing yan sa diyos, regalo. Ang regalo hindi sinisira. Ang regalo pinahahalagahan.” Panawagan ni Cardinal Tagle.
Nakiusap si Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na huwag magkalat sa loob ng simbahan at panatilihin ang kalinisan sa anumang mga programang idinaraos tulad ng prusisyon.
Nakadidismaya ayon sa Cardinal na matapos ang misa at prusisyon ay maraming kalat ang iniiwan na lamang ng mga tao.
“Nakakapagtaka kung kailan may malaking pyesta ang simbahan, marami ring kalat. Kung kailan tayo nag papasalamat sa Diyos sa tinapay, na bunga ng lupa at gawa ng tao, sa alak na bunga ng lupa at gawa ng tao, tayo naman nagpapakita, walang pag-aalaga sa bigay ng Diyos.” pahayag ng Kardinal
Dahil dito, hinamon ng Kardinal ang mga mananampalataya na sinupin ang mga kalat at tumulong sa paglilinis ng kapaligiran.
Binigyang diin nito na tunay lamang na magiging malinis ang kapaligiran kung mismong ang mga tao ay malinis din sa kanilang mga sarili.
“Kung tayong lahat magiging maalaga sa ating kapaligiran pati sa simbahan hindi naman natin kailangan ng janitor. Kailangan lang ng janitor kasi makalat ang mga tao. Lilinis talaga ang paligid kung tayo ang malinis at hindi mag-uupa ng iba para linisin ang ating iniiwang dumi.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Sa Encyclical na Laudato Si, inilarawan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang daigdig na nagmimistulan nang malawak na tambakan ng basura.
Ayon sa Santo Papa, masasagip lamang ang mundo kung magkakaroon ang mga tao ng ecological conversion, o pagbabalik loob sa Diyos at sa Kan’yang nilikha.