387 total views
Kapanalig, ang konsepto ng ecological protection ay alien o kakaiba sa pandinig sa marami nating mga komunidad. Kadalasan, ang common na alam nating mga Pilipino pagdating sa pangangalaga sa ating ekolohiya ay “tapat ko, linis ko.” Hanggang sa boundary lamang ng ating mga pag-aari ang ating pino-protektahan.
At ito na ang isa sa mga pinakamalaking rason kung bakit ang kalikasan ng bansa ay humaharap ng kabi-kabilang hamon sa ating bayan. Ilan sa mga hamon na ito ay ang kaugnay sa pagkasira ng ating biodiversity, ang polusyon ng hangin at tubig, kasama na rin ang pagbabago ng klima.
Ayon nga sa Natural History Museum’s (NHM) Biodiversity Intactness Index, inaasahan na patuloy na manghihina at bababa ng 60 porsyento ang natitirang buong kalagayan ng likas na biodiversity ng bansa sa taong 2050. Kapanalig, kailangan nating mapigilan ito. Ang ating bansa ay isa sa mga lugar sa buong mundo na may pinakamalaking konsentrasyon ng wildlife species. Sinasabing mga 20,000 species ay dito lamang matatagpuan sa ating bayan.
Kapanalig, kawalan ng kagubatan, ang deforestation, ay isa mga pinakamalaking rason kung bakit nagkakaroon ng biodiversity loss sa sa ating bansa. Ang malaking pagkakalbo ng ating kagubatan, kasama na ng land conversion, ay nagdudulot ng kawalan ng tahanan ng iba ibang uri ng hayop at halaman.
Ang polusyon kapanalig sa ating katubigan ay malaki rin ang ambag sa pagkasira ng ating kapaligiran. Ang mga gawain ng tao, gaya ng maling sewage, ay nagdudulot din ng polusyon sa ating mga ilog, lawa, at karagatan. Ginagawa nating septic tank ang ating mga katubigan kaya’t hindi lamang ito sumisira ito sa ekosistema ng katubigan, nagdudulot pa ito ng panganib sa kalusugan ng tao. Dagdag pa natin dito ang tone-toneladang plastic waste na ating nalilikha kada araw. Tinatayang 0.75 million metric tons ng plastic waste mula sa ating bansa ang napupunta sa karagatan kada taon. Ang mga basura na ito ay pumapatay sa mga iba ibang uri ng buhay sa ating mga karagatan.
Kapanalig, kailangan itaas natin ang kamalayan ng ating bayan ukol sa kahalagahan ng ecological protection. Hindi sapat na ang mga pag-aari lamang natin ang ating pinangangalagaan at pinoprotektahan. Ang ating kalikasan, ang ating kapaligiran, ay mga likas yaman na dapat dating minamahal at inalagaan. Kapag nasira ang ekolohiya, tao din ang masisira. Paalala nga ni Pope Francis mula sa kanyang Laudato Si: tayo ay bahagi ng kalikasan, kasama at patuloy na nakikipag-ugnayan dito. Mahalagang makahanap tayo ng mga malawakang solusyon na magbibigay ng mas maayos na interaksyon ng tao at lipunan sa natural na ekosistema. Tayo ay humaharap sa isang kumplikadong krisis na pang-ekolohikal at sosyal dahil kapag pinag-uusapan natin ang kapaligiran, ang tunay na kahulugan nito ang relasyon ng tao sa kalikasan. The human environment and the natural environment deteriorate together; we cannot adequately combat environmental degradation unless we attend to causes related to human and social degradation.
Sumainyo ang Katotohanan.