28,215 total views
Maituturing na totoong tao ang nagmamalasakit sa kapaligiran.
Ito ang binigyang-diin ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa kanyang pagninilay sa isinagawang “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan” ng Radyo Veritas noong Sabado, March 23, 2024 bilang pakikiisa sa Earth Hour ngayong taon.
Ayon kay Bishop David, bilang mabubuting katiwala ng sangnilikha, mahalagang maunawaan ng mamamayan ang tungkuling iniatas ng Diyos sa bawat isa bilang tagapangalaga ng kalikasan.
Nabanggit ng obispo ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act na nilikha upang maitaguyod ang wastong pamamahala sa mga basura at matugunan ang epekto ng plastic pollution.
“Alam po ninyo, mayroon tayong batas, ito po ang batas na Ecological Solid Waste Management. Ang ganda-ganda sa papel, pero hindi nai-implement dahil hindi nalalagay sa kamalayan ng ating mga mamamayan. Napakasimple lamang po ng mga prinsipyo ng ecological solid waste management. Tatlong bagay, segregate, compost, recycle,” ayon kay Bishop David.
Ipinaliwanag ni Bishop David na ang segregate, compost, at recycle ang epektibong paraan upang matukoy ang mga basurang nabubulok at gawing pataba sa lupa, at mga hindi nabubulok na maaaring i-recycle at gawing kapaki-pakinabang.
Hinimok naman ng obispo ang publiko na iwasan na ang paggamit ng mga single-use plastic upang mapigilan na ang pagdami ng basura na nangungunang sanhi ng pagbaha.
“Alam natin na matagal na matagal bago mabulok ang plastic dahil nga ito’y non-biodegradable. Kaya’t hangga’t maaari ay i-save po natin ang mga plastic, at i-recycle ang mga ito para hindi maperwisyo ang ating kapaligiran. Ang mga balat ng candy, ‘pag kumain ng candy nako, maliit na basura ibulsa muna kung walang tamang pagtatapunan. Dahil kapag tinapon ‘yan sa kalsada, ‘yan ay papasok sa mga kanal at magiging sanhi ng pagbabara ng ating mga kanal at tuloy babahain tayo,” paliwanag ni Bishop David.
Tema ng Earth Hour 2024 ang “Switch Off Plastic Pollution, Give an Hour for Earth”, na layong paigtingin ang panawagan upang ihinto na ang paggamit ng plastic at tugunan ang suliranin ng plastic pollution.