361 total views
Pinuna ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang sistema ng ekonomiya sa bansa na maituturing na ‘economy that kills’.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na siyang chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, mas higit na lumalaki ang agwat sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman sa bansa dahil na rin sa sistema ng ekonomiya na mas nagbibigay prayoridad sa kita ng mga negosyante at mamumuhunan sa halip na ang pagbabahagian at pagbibigay ng naaangkop na kita sa mga manggagawa.
“Mas lalong lumalaki ang agwat ng mga mayroon sa mga wala. Nangyayari ito kasi ang layunin ng pagtakbo ng ekonomiya ngayon ay ang kita at hindi ang bahaginan. Ito iyong sinasabi ng Santo Papa Francisco na the economy that kills.” pagninilay ni Bishop Pabillo
Ipinaliwanag ng Obispo na ang bawat isa ay katiwala lamang sa yaman ng mundo na ipinagkaloob ng Panginoon ba marapat itong ibahagi sa kapwa sa halip na kamkamin lamang ng iilan na patuloy ang pagpapayaman.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo ang pagkakaloob ng nararapat na sahod sa mga manggagawa ang pinakasimpleng paraan ng pagbabahagi ng yaman kung saan hindi lamang ito dapat na sahod na nakabatay sa batas o ang tinatawag na minimum wage kundi sahod na sasapat upang makabuhay ng isang pamilya.
“Tayo ay mga katiwala lamang ng yaman ng mundo na para sa lahat. Kapag naiwan ito sa kamay natin kapag tayo ay namatay, ang ibig sabihin lang nito ay hindi natin ito naibahagi sa iba. Hindi tayo naging mabuting katiwala. At madalas ang mga mayayaman ay nananatiling mayaman kasi hindi sapat na sahod ang binibigay nila sa kanilang mga manggagawa. Ang pinakasimpleng paraan ng pagbabahagi ng yaman ay ang pagbibigay ng nararapat na sahod sa mga tao – at ang nararapat na sahod ay hindi ang legal na sahod. Hindi minimum wage ang just wage.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Giit ng Obispo, ang naangkop na sahod o just wage ay ang living wage na kakailanganin ng isang manggagawa upang maayos na masuportahan ang pangangailangan ng isang pamilya habang ang minimum wage na nasasaad naman sa batas ang dahilan kung bakit marami pa rin ang patuloy na nagugutom at naghihirap dahil sa hindi nito kasapatan.
“Ang just wage ay ang living wage, at iyan ay nakalagay sa ating Philippine Constitution. Ang living wage ay ang sahod na ikabubuhay ng maayos ng isang pamilya. Ang ating minimum wage ay hindi ikabubuhay ng maayos ng ating mga pamilya. Kung aasa lang sa minimum wage, marami ay magugutom.” Ayon pa kay Bishop Pabillo.
Paglilinaw ng Obispo na mayroong sapat na kayamanan ang mundo para sa lahat ng tao ngunit kukulangin ito kung higit na mananaig ang kasakiman lalo na ng mga mayayaman.
Batay sa datos ng National Wages and Productivity Commission, mayroong nakalaang magkakaibang daily minimum wage rates sa bansa para sa mga manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon na nagmumula sa P316 hanggang P537 kada araw bukod pa sa ibang mga benepisyo na dapat na ibigay sa mga manggagawa katumbas ng kanilang paggawa.