415 total views
Ikinatuwa ng mga makakalikasang grupo ang final re-shipment ng natitirang container ng mga ilegal na basura mula sa South Korea.
Kinumpirma ng Bureau of Customs-Region 10 kasama ang Ecowaste Coalition ang re-exportation ng natitirang 43 containers ng ilegal na basura na aabot ng 1,036 metriko-tonelada noong ika-15 ng Setyembre, 2020.
Laman ng mga container ang iba’t-ibang plastic materials, gamit na dextrose tubes, at basura mula sa mga tahanan na nilalabag ang Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and their Disposal at national laws.
Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, ang matagumpay na re-exportation procedures ay patunay na ang pakikipaglaban sa waste trafficking ay walang kinikilalang pandemya.
“The completion of the re-exportation procedures shows that action against waste trafficking knows no pandemic,” ayon sa pahayag ni Lucero.
Ang nasabing mga basura ay ibinalik na sa Pyeongtek City, South Korea mula sa Mindanao International Container Terminal o MICT Port sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Kaugnay nito, hinimok ni Dr. Joe DiGangi, Senior Science at Technical Adviser ng International Pollutants Elimination Network (IPEN), ang mga lider ng bansa na i-ratify ang Basel Convention Ban Amendment at pagpapatibay ng batas na nagbabawal sa pag-angkat ng mga basura.
Noong Agosto nang nakaraang taon, sumulat ang EcoWaste Coalition kay South Korean President Moon Jae-in na humihiling ng agarang re-shipment ng kanilang mga basura.
Iginigiit sa Laudato Si ni Pope Francis ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapaligiran upang mapigilan na gawing tambakan ng basura ang daigdig.