424 total views
Isinusulong ng makakalikasang grupo ang kampanya upang mabasawan ang paggamit at pagdami ng mga plastic na nakakasira sa kapaligiran.
Ang ‘Sachet Away’ campaign ng EcoWaste Coalition katuwang ang grupong Break Free from Plastics ay layong iwasan at bawasan ang paggamit ng mga single-use plastic.
Ayon kay Patricia Nicdao, policy development officer ng EcoWaste Coalition, layon din ng grupo na balikan ang pinagmulan ng usapin ng single use plastic dahil bagamat ito’y nakatutulong sa mga tao ay nagdudulot naman ito ng masamang epekto sa kalikasan.
Paliwanag ni Nicdao na hanggang ngayon, ang maling pagtatapon pa rin sa mga basura ang isa sa mga pangunahing problema ng polusyon na nagbibigay rin ng malaking ambag sa pagbabago ng klima ng mundo.
“‘Cause most of the time when we come with the issues of single use plastic, nandun na tayo sa disposal side of it. Na yung single use plastic, mali, masama kasi hindi tayo nagse-segregate or masama yung single use plastic kasi walang disiplina yung mga tao,” ang pahayag ni Nicdao sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinaalalahanan din ng grupo ang mga organisasyong nagsasagawa ng relief operations sa mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad na gumamit ng mga reusable at recyclable materials sa pamamahagi ng tulong.
Ayon kay Nicdao, ito’y upang makatulong sa kalikasan na maging malinis at mabawasan pa ang polusyon lalo na sa plastic.
“So hindi lang tayo nakakatulong sa environment natin when we use reusable and recyclables when it comes to donation, at the same time we’re lessening the cause, so ibig sabihin mas marami na tayong mare-reach na tao sa ating mga donation,” ayon kay Nicdao.
Bahagi rin ng kampanya ng EcoWaste Coalition ang 15-point clean up eco-tips na maaaring gawing pamantayan ng mga taong nasalanta ng mga bagyo, na makatutulong sa pagpapababa ng pagdami ng mga basurang kailangang itapon, mabawasan ang gastusin at mapangalagaan ang kalusugan mula sa mga nakakalasong kemikal at basura.
Sa nagdaang bagyong Ulysses, umabot sa 53 metriko toneladang basura ang nakolekta mula sa Manila Bay.
Panawagan ni Pope Francis sa Laudato Si nito na bawasan ang paggamit ng mga plastic at iba pang disposable na gamit upang mabawasan ang nalilikhang basura na nagiging tambak sa kapaligiran.