1,601 total views
Umaasa ang Santo Papa Francisco na lumaganap ang kapayapaang tinatamasa ng Mongolia sa iba’t- ibang panig ng daigdig.
Ito ang mensahe ng punong pastol sa kanyang ika – 43 apostolic journey kung saan binisita ang Mongolia sa kabila ng pagiging minorya ng mga katoliko sa lugar.
Kinilala ni Pope Francis ang pagbubuklod-buklod ng mahigit tatlong milyong populasyon sa kabila ng pagkakaiba ng tradisyon at pananampalatayang kinagisnan ng mamamayan.
Inihayag ng santo papa na kung maisakatuparan ang pagkakaisa ay tunay na makamtan ang kapayapaan sa lipunan.
“If the leaders of nations were to choose the path of encounter and dialogue with others, it would certainly be a decisive contribution to ending the conflicts continuing to afflict so many of the world’s peoples.” pahayag ni Pope Francis.
Naniniwala si Pope Francis na ang pagtataguyod at paggalang na ipinamamalas ng mamamayan ng Mongolia sa kapwa ay isang mahalagang hakbang para sa pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala.
Tinukoy nito ang makitid na pag-iisip, unliateral imposition at iba pang bagay na nakahahadlang sa pagkakapatiran at pagkakamit ng kapayapaan gayundin ang pag-iral ng materyalismo ng tao na nagdudulot ng kawalang katarungan, pang-uusig at maging pagsira ng kalikasan.
Binigyang diin ni Pope Francis na patuloy isusulong ng simbahan ang mga hakbang ng pagkakasundo para sa kapakinabangan ng bawat mamamayan.
“I would like to reassure you that the Catholic Church desires to follow this path, firmly convinced of the importance of ecumenical, interreligious and cultural dialogue. Her faith is grounded in the eternal dialogue between God and humanity that took flesh in the person of Jesus Christ.” giit ng santo papa.
Tema ng pagbisita ni Pope Francis sa Mongolia ang ‘Hoping Together’ na layong maisulong ang sama-samang paglalakbay ng simbahan at pamahalaan.
Si Pope Francis ang kauna-unahang lider ng simbahang bumisita sa Mongolia na may 1, 500 katoliko mula sa mahigit tatlong milyong populasyon.