148 total views
Umaapela ang isang dating reporter at anchorman ng Radyo Veritas noong 1986 People Power Revolution o EDSA-1 na huwag gawing political agenda ang ginawang pagtitipon-tipon at pagkakaisa ng taongbayan para makamtan ang kalayaan mula sa diktaduryang Marcos 31-taon na ang nakakalipas.
Binigyan diin ni Bro. Efren Dato na ang people power revolution o tinaguriang “bloodless revolution” ay nagtagumpay hindi para lamang sa isang partido o grupo at mga political personalities kundi dahil sa pagnanais ng taongbayan na magkaroon ng pagbabago.
“Hindi iyan political party, bida diyan ang panginoon Diyos at ang taongbayan.”giit ni Bro. Dato sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala si Dato na dapat pa ring gunitain ang naganap na people power at huwag itong balewalain dahil lamang sa isyu ng pulitika.
“Kasi buong bayan yan, hindi yan Liberal Party, kaya dapat taon-taong yang pinagdiriwang kasi tumugon ang taongbayan na ang nais nila kalayaan, mapayapang pagbabago, kaya dapat ipinagdiriwang at ipagpatuloy ang kulturang pagbabago sa bansang Pilipinas hindi dapat tinitingnan yan as a political event.”paninindigan ni Dato.
Ginunita ni Dato kung paanong pinagsama-sama ng Simbahang Katolika ang sambayanang Pilipino at nakibahagi sa iisang layunin para makamit ang pagbabago sa kamay ng isang diktador.
“Malaki ang naitulong ng [Simbahang] Katolika lalo na sa leadership ng yumaong [Jaime] Cardinal Sin at mga Obispo [Catholic Bishops’ Conference of the Philippines] at lahat ng kaparian, lahat ng mga Layko na tumugon sa isang mapayapang pagbabago.”paglilinaw ni Dato.
Ang himpilan ng Radyo Veritas ang nagsilbing tinig ng mga kaganapan sa People Power Revolution at nagpakilos sa mga Pilipino na magkaisa at manindigan sa pamamagitan ng panawagan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Read: http://www.veritas846.ph/history/
Ikinadismaya rin ng dating priest broadcaster ang hindi pagbibigay halaga ng kasalukuyang administrasyon sa ika-31 anibersaryo ng EDSA-1 kung saan 1-milyong piso lamang ang inilaang budget sa selebrasyon sa ika-25 ng Pebrero,2017.