1,137 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na isang tagumpay ng pananampalatayang Filipino ang karanasan ng EDSA People Power Revolution.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng cardinal sa misang ginanap sa Shrine of Mary, Queen of Peace o EDSA Shrine sa paggunita ng ika – 36 na anibersaryo ng mapayapang rebolusyon.
Sinabi ng Arsobispo na hindi lamang ito gawaing pampulitika kundi pagpapamalas ng kabutihan ng Diyos sa tulong at gabay ng Mahal na Ina na lumingap sa kanyang mga anak sa bingit ng banta ng karahasan.
“EDSA is not just a political event about the reconfiguration of power, EDSA is a religious and spiritual experience that cuts through time and inspires our life as a nation; EDSA is not so much about the triumph of one party or dynasty over another it is about the victory of the faith and heroism of the Filipino people ‘maka-Diyos kaya makabayan’,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Kasabay ng paggunita sa makasaysayang pagtitipon ng mga Filipino mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ay kinilala ni Cardinal Advincula ang malaking papel na ginampanan ng Mahal na Birhen upang mapigilan ang karahasan at pagdanak ng dugo ng mga tumiwalag sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Giit ng Cardinal na ito ay isang patunay na ang Pilipinas ay Pueblo Amante De Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Ina.
Inilarawan ni Cardinal Advincula ang EDSA bilang lugar kung saan ipinamalas ng mga Filipino ang kabanalan sa pamamagitan ng pagdarasal ng rosaryo sa kabila ng matinding banta ng karahasan.
“At EDSA we chose prayer over power, devotions instead of weapons, love instead of violence and faith instead of firearms,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Hamon ni Cardinal Advincula sa mamamayan na panatilihing buhay ang diwa ng EDSA People Power Revolution kung saan mas higit namayani ang kabutihan laban sa kasamaan sa pamamagitan ng pagbubuklod ng mga Filipino sa pananalangin.
Batay sa kasaysayan ang EDSA People Power Revolution noong February 25, 1986 ay tinaguriang bloodless revolution sa buong daigdig na naging susi ng pagwakas sa mapait na karanasan ng Martial Law na umiral ng 14 na taon sa dalawang dekadang pamumuno ng diktadurang Marcos.
Bukod kay Cardinal Advincula dumalo rin sa pagtitipon si 1987 Constitutional Framer, Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, ang mga pari mula sa Archdiocese of Manila at iba’t ibang grupo ng mga layko.
Bago ang Banal na Misa nagsagawa ng paraliturgy ang EDSA Shrine sa pangunguna ni Fr. Lazaro Abaco kung saan ipinapakita ang pangyayari sa matagumpay na pagtitipon mahigit tatlong dekada ang nakalipas.