587 total views
Hindi mawawala sa kultura ng bansa ang pananalangin at paghiling ng kapayapaan sa pamamagitan ng Mahal na Ina na itinuturing na reyna ng kapayapaan.
Ayon kay Rev. Fr. Arnel Calata Jr. – Vice Rector ng Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine, hindi basta mawawala sa kultura ng mga Filipino ang pananalangin para sa kapayapaan ng bayan sa pamamagitan ng Mahal na Ina.
“Hindi maluluma at hindi mawawala sa atin bilang isang bansa ang paghiling sa kapayapaan sa pamamagitan ng panalangin ng ating Mahal na Ina ang Reyna ng Kapayapaan…” pahayag ni Fr. Calata Jr. sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ng Pari ang paghahanda ng Simbahan para sa ika-30 taong anibersaryo ng dedikasyon bilang Dambana ng Mahal na Ina bilang Reyna ng Kapayapaan.
Naitatag ang EDSA Shrine noong December 15, 1989, tatlong taon matapos ang EDSA People Power Revolution kung saan naging matagumpay ang tinaguriang “bloodless revolution”.
Nanaig ang pananalangin at pagkakaisa laban sa banta ng karahasan at panganib na dulot ng diktaduryang Marcos at Batas Militar.
Ang Pilipinas na may higit sa 80-porsiyento ng mga Katoliko ay kilala sa pambihirang pagtatangi sa Birheng Maria na tinatawag din bilang Pueblo Amante de Maria kung saan maraming parokya sa bansa ay nakatalaga sa Mahal na Ina.
Batay sa tala mahigit sa 10 ang matatagpuang pambansang dambana ng Mahal na Inang Maria mula sa 17 Ecclesiastical Provinces o 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.