531 total views
Nanindigan ang opisyal ng Caritas Manila na mahalaga ang edukasyon para umangat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan.
Ayon kay Father Anton CT. Pascual, Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila at pangulo ng Radio Veritas, tinutukan ng institusyon ang scholarship program ng Simbahan na malaking hakbang upang masugpo ang kahirapan sa bansa.
“Ang scholarship ang magandang programa sa poverty eradication kung nais nating alisin ang kahirapan, education is the best social equalizer,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Malugod na ibinahagi ng opisyal na ngayong taon ay 1, 569 sa 5, 000 scholar ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP ng Caritas Manila ang nagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo at technical vocation courses.
Ayon kay Fr. Pascual sa nasabing bilang tatlo ang Summa Cum Laude, pito ang Magna Cum Laude, 70 ang Cum Laude at daan-daan ang with highest honors mula sa mga estudyanteng pinag-aaral sa buong bansa.
Ikinatuwa ng pari na dalawa sa pitong magna cum laude ay mga Muslim na tinulungan ng simbahang makapagtapos sa pag-aaral.
Kasalukuyang naghahanda ang pamahalaan sa pagbubukas ng klase kung saan ipatutupad na ang face to face classes sa maraming bahagi ng bansa kaya’t apela ni Fr. Pascual sa mamamayan na suportahan ang mga programa ng simbahan tulad ng Caritas YSLEP.
“Suportahan natin ang mga programa ng Caritas Manila lalo na ang YSLEP ang ating education scholarship program,” ani Fr. Pascual.