21,915 total views
Umaasa ang education sector na magkakaroon ng mga pagbabago sa pamamahala ng Department of Education sa pagkakatalaga ng bagong kalihim ng kagawaran.
Ayon sa panayam ng Veritas Pilipinas kay Dra. Jennie Jocson-Director, Research Institute for Teacher Quality, bagama’t hindi mula sa hanay ng mga guro si in-coming DepEd Secretary Juan Edgardo Angara ay malaki ang maitutulong nito sa pamamahala at pananalapi ng tanggapan.
Sinabi ni Jocson na ang kakayahang ito ni Angara ay makatutulong sa pagpapatuloy ng magagandang programang nasimulan, gayundin ang muling pagsusuri sa ilang mga ipinapatupad na sistema ng kagawaran.
“So, ang direksyon at sana itoy ipagpatuloy, ay magkaroon ng anggulo ng focus sa loob ng isang eskwelahan, patatagin ang isang eskwelahan sa kanyang programa ng kanyang kontekstwalisasyon, kabilang na doon ang pagpapalawak ng kalidad ng ating mga guro na lalaban talaga sa kalidad ng edukasyon araw-araw,” ayon kay Jocson.
Nanawagan naman si Jocson na tutukan ng DepEd ang pangangailangan at pagsasanay sa mga guro.
“Teachers quality is the most important aspect, darating tayo sa kalidad ng edukasyon from the student outcomes, dadating tayo doon kung may kalidad ang ating mga guro so mag focus sana ang ating bagong kalihim sa kalidad ng ating mga guro mula sa free-service, repasuhin ang curriculum ng free service, yung mga nagtuturo ng pagiging guro , reviewhin ang alignment ng aming programa sa free-service sa pangangailangan ng Department of Education,” ayon pa kay Jocson. Itinalaga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Angara bilang kahalili ni VP Sara Duterte bilang kalihim ng DepEd, na opisyal na magsisimula sa July 19.
Si Angara ay naglingkod din bilang commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2)ang 3-year congressional body na naatasang suriin ang mga problema sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas, at magbigay ng rekomendasyon.