84,902 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, wala pa ring pinapangalanan ang administrasyong Marcos Jr na ipapalit na kalihim ng Department of Education (o DepEd).
Nagulat ang marami nang mag-resign si Vice President Sara Duterte bilang DepEd secretary at opisyal ng isa pang opisina noong June 19. Sa sulat sa isinapubliko mismo ng Malacañang, opisyal na iiwan ni VP Sara ang gabinete ni PBBM sa July 19. Tinanggap naman ito ng presidente. Walang binanggit sa sulat na dahilan sa likod ng resignation ni VP Sara. Pero sa isang press conference, sinabi ni VP Sara na ang kanyang desisyong magbitiw ay hindi dahil sa anumang “weakness” o kahinaan. “Out of genuine concern” o mula sa tunay na pag-aalala daw sa mga guro at kabataang Pilipino ang nagtulak sa kanyang umalis na sa pagiging kalihim ng DepEd.
May mga grupong ikinatuwa ang pag-alis ni VP Sara sa DepEd. Tila malaking bigat sa dibdib ang nawala daw sa mga kasapi ng Bacolod Public Schools Teachers’ Federation. Para sa grupong ito ng mga public school teachers sa Bacolod at Negros Occidental, “unfit” o hindi nababagay na kalihim ng DepEd ang bise presidente. Marami raw siyang “inconsistencies” o mga ginawang pabagu-bago o magkakasalungat. Para naman daw nabunutan ng tinik ang mga guro at ang buong sektor ng edukasyon sa pagre-resign ni VP Sara. Ayon iyan sa grupong Alliance of Concerned Teachers. Kaya naman, maging oportunidad sana ang pagre-resign ni VP Sara upang magkaroon ng pagbabago sa nakapakritikal na ahensya ng ating gobyerno.
Bakit kritikal? Ang DepEd ang nakatutok sa tinatawag na basic education sa ating bansa. Pangunahing gawain ng kagawaran ang pag-aayos ng curriculum—na tinatawag nga nating K-12—at ang paglalatag ng mga standards o pamantayang susundin ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Ito rin ang bumubuo ng mga educational materials at nagtitiyak na dekalidad ang pagtuturo sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ang ahensya rin ang isa sa may pinakamalaking badyet na natatanggap para tiyaking sapat ang mga pasilidad sa mga paaralan, kumpleto ang mga libro, at mahuhusay ang mga nagtuturo sa ating mga estudyante. Sa madaling salita, ang kinabukasan ng ating kabataan ang nakataya sa trabaho ng DepEd.
Kaya naman, gaya ng sinabi ng grupong Teachers’ Dignity Coalition, ang kailangan ng DepEd ay isang kalihim na may karanasan sa pagtuturo at may pusong tunay na sa isang guro—“whose heart is truly a teacher’s.” Isang educator, isang guro, ang dapat na namumuno sa DepEd. Ayon naman sa grupong Out of the Box Media Literacy Initiative, makatutulong din kung ang kalihim ng kagawaran ay nakatutok lamang sa sektor ng edukasyon. Hindi sana nahahati ang kanyang panahon at atensyon sa pulitika, lalo na’t humaharap nga tayo sa krisis sa edukasyon. Lagi na siguro nating naririnig ang mga balita tungkol sa pangungulelat ng mga estudyanteng Pilipino sa math, science, at reading.
Sa Pacem in Terris, isang Catholic social teaching, kasama sa mga karapatang pinahahalagahan ng Santa Iglesia ang “right to basic education.” Ang basic education—mula elementary hanggang high school—ay ang pangunahing tuon ng DepEd, kaya’t malaki ang responsibilidad ng kagawaran sa pagkamit ng kabataan sa karapatang ito. Ang kawalan ng tao ng edukasyon, saad naman sa Populorum Progressio, ay kasimbaba ng kawalan niya ng pagkain. Tungkulin ng DepEd na walang batang gutom sa maayos na edukasyon, kaya mahalagang nasa puso ng nangangasiwa nito ang pagpapalago ng sektor.
Mga Kapanalig, “higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,” paalala ng Mga Kawikaan 16:16. Ang karunungan ay mula sa edukasyon kaya’t ang namumuno sa ahensyang naghahatid nito ay dapat na batid ang katotohanang ito.
Sumainyo ang katotohanan.